Ayon sa isinulat
na akda ni Jaeyoun Kim na pinamagatang, "A Korean Message For The
Filipinos", hindi kurapsyon ang problema ng Pilipinas kundi ang kawalan ng
pagmamahal ng mga Pilipino sa sarili nitong bansa. Nakahihiya mang aminin
ngunit marahil, tama ang tinuran ni Jaeyoun Kim. Paano nga naman uunlad ang
bansa kung walang pagmamahal ang mga mamamayan nito sa sarili nitong bansa?
Marahil, marapat lamang na pagtuunan natin ng pansin ang pagmamahal sa ating
sarili, sa ating kapwa at higit sa lahat, sa ating sariling bayan.
Marapat
lamang na matutunan muna nating mahalin ang ating mga sarili una sa lahat. Tanda
ng respeto sa ating sarili. Sapagkat tayo’y hindi irerespeto ng iba kung tayo
mismo ay walang respeto sa ating mga sarili. Ang kawalang respetong ito sa
ating mga sarili ay maaaring pagsimulan ng krimen. Sa paanong paraan? Isang
halimbawa nito ang rape. Paanong irerespeto ng iba ang mga babaeng mahahalay
ang pananamit kung sila mismo, ipinakikita na wala silang respeto sa kanilang
mga sarili?
Ikalawa
ay ang pagmamahal sa kapwa. Malasakit at respeto sa iba, ito ang tanda ng
pagmamahal sa kapwa. Kurapsyon ang mabuting halimbawa nito. Ang mga nasa
katungkulan na patuloy na ibinubulsa ang pera ng taong bayan at ang nais lamang
ay mapabuti ang kanilang sarili ay halimbawa ng mga taong makasarili na hindi
man lamang inisip muna ang iba bago gumawa ng desisyon. At sa huli’y kanila
pang ipipilit na makuha ang simpatya ng mga mamamayan na kanilang ninakawan. Sa
halip na tulungan ay kanila pang pinahihirapan. Marahil, dapat lamang na iwasan
nating maging makasarili at magkaroon ng malasakit sa iba upang nang sa gayon
ay ating makamit kahit kaunti ang kaunlaran.
At
ang huli ay ang pagmamahal sa bayan. Kung ating mapapansin, ay ating mas
tinatangkilik ang produkto ng ibang bansa kaysa sa ating sariling mga produkto.
Tila ba atin nang nakalilimutan ang ating sariling produkto. Ang ating kultura
na unti-unti nang nawawala na tila ba binubura na ng panahon. Ang ating mga
bayani ay namatay dahil sa pagmamahal sa ating sariling bayan. Ngunit, bakit
tayo? Bibili lamang ng sariling produkto’y hindi pa magawa. Hindi naman
masamang tangkilikin ang produktong gawa ng ibang bansa. Ang masama’y pati kultura
ng mga bansang ito’y atin nang nakukuha at pati ating sariling kultura ay atin
nang naisasantabi. Tayong mga Pilipino na dapat
unang nagmamahal at nagpapahalaga sa ating bansa ay siya pang
nakalilimot at ibang tao pa ang siyang nagmamalasakit dito. May mga tao pa
kayang handang mamatay para sa kanilang sariling bayan?
Kung
atin lamang sanang matututunang mahalin ang ating sarili, kapwa at sariling
bayan, marahil ang pag-unlad na ating inaasam ay atin ding makakamtan katulad
ng kinahinatnan ng ibang mauunlad na bansa at hindi tayo kailangang kaawaan ng
ibang bansa.
No comments:
Post a Comment