Sunday, October 11, 2015

To Forget or To Forgive


            Bahagi na ng buhay ang pagkakaroon ng mga masasaya at malulungkot na alaala. Mga alaalang sa tuwing ating ginugunita’y nagbibigay sa atin, maaaring nang labis na kasiyahan o kalungkutan. Mga alaalang, ating binuo kasama ng mga taong ating minahal at pinahalagahan. Mga taong, nakasanayan na nating palagi lamang nariyan para sa atin. Mga taong, minsang naging dahilan kung bakit tayo naging masaya. Ngunit paano kung ang taong minsang naging dahilan ng ating labis na kasiyahan ang siya ring naging rason nang iyong labis na kalungkutan at pighati? Paano kung ang mga alaalang inyong binuo nang magkasama ang nagdudulot sa iyo ng labis na pasakit at sakit ng kalooban? Mas pipiliin mo na lamang bang ibaon sa limo tang lahat at tuluyan nang kalimutan? O patatawarin mo siya at magsisimulang muli nang wala siya?

            Ang pagkalimot o Forget sa ingles ay ang pag-alis sa ating isipan ng mga alaala ng mga bagay, tao o di kaya’y pangyayari o karanasan na sa atin ay nakasakit. Ito ay maaaring kusang maganap o di naman kaya’y, ating piliting gawin. Ito ay kusang nagaganap o kusa ang proseso ng ating paglimot kapag tayo ay napagod na. Di man natin piliting ang ating sarili’y kusa itong nagaganap. Ika nga ng ilan, “Time will heal what cannot be fixed now, a day will come when the hurt will fade and you will be free again.” Samantalang ang ating pagpilit sa ating sarili na kalimutan ang isang bagay, tao o di kaya’y pangyayari o karanasan ay dala marahil ng trauma o di naman kaya’y sanhi nang realization nang tayo ay matauhan at mapansin, tila masyado nang mahaba ang ating pagdurusa, pighati at kalungkutang ating nararanasan dahil sa pagkawala ng isang bagay o taong mahalaga sa atin. Na kung ating iisipi’y kalabisan na at katangahang matatawag kung at pang ipagpapatuloy. Ngunit anoman ang ating piliin o ang sa utak nati’y maganap, isa pa rin itong paraan ng ating utak upang ang ating sarili’y mailigtas mula sa labis na kalungkutan, pighati, pagdurusa at pasakit sa kalooban. Sa madaling sabi, ang paglimot o forget ay isang paraan upang tayo ay mahango mula sa labis na kalungkutan at pigahating ating nararanasan marahil, dahil sa isang bagay, tao o di kaya’y pangyayari o karanasan na sa atin ay nakasakit sa atin. Isa rin itong daan upang tayo ay maka-move on. Ngunit para magawa ito, marapat lamang na mauna muna nating patawarin ang ating sarili at tigilan ang pagsisisi sapagkat wala itong mabuting maidudulot sa atin kundi kalungkutan lamang.

            Matapos bigyang kahulugan ang salitang, “Forget o Pagkalimot”, atin namang bigyang kahulugan ang Pagpapatawad o Forgive sa ingles. Para sa ilan, ang forgive ay ang pagbibigay ng kapatawaran o isa pang pagkakataon sa isang taong nagakasala sa kanya. Isa itong paraan upang ating mapagaan ang ating kalooban at mapakawalan ang sama ng loob na ating nadarama. Totoong hindi madali ang magpatawad lalo na sa isang taong labis mong pinahalagahan at pinagkatiwalaan ngunit sa huli’y, labis na pighati at kalungkutan ang sa iyo’y idinulot o ibinigay. Mahirap man kung iisipin, kailangan pa ring gawin sapagkat isa itong daan upang tayo’y makalaya mula sa labis na kalungkutan at paraan rin upang tayo ay maka-move on o makalaya mula sa mapait na nakalipas o nakaraan.

          Ang paglimot at pagpapatawad ay parehong mahirap gawin. Ngunit ano nga ba ang mas mahirap? Ang paglimot o ang pagpapatawad? Kung ating titimbangin, kapwa mahirap gawin sapagkat tunay na hindi madali ang paglimot lalo na kung ika’y hindi pa. Paano mo nga ba kalilimutan ang isang alaalang naging bahagi na ng iyong buhay at minsang naging dahilan ng iyong labis na kaligayahan? Hindi nga ba’t dahil sa mga alaalang ito’y patuloy nating pinanghawakan ang mga bagay at tao na labis nating pinahalagahan at minahal kahit pa alam nating, wala na ito sa atin at mas makabubuti kung atin na lamang kalilimutan. Hindi madali ang paglimot lalo na sa isang bagay o tao na nag-iwan sa atin ng napakaraming alaala na kahit minsa’y hindi man lamang nawaglit sa ating isipan. Mga alaalang patuloy na nagpaaalala sa atin ng mga bagay na alam nating kahit kaila’y hindi na maibabalik o mangyayari pang muli. Mga alaalang patuloy na nagbibigay sa atin ng pag-asa ngunit ang kaakibat ay pighati sa kalooban. Mga alaalang dahilan kung bakit nahihirapan tayong kalimutan at palayain ang isang bagay o tao na hindi naman para sa atin. Kung kaya, tayo, bilang mga tao ay nararapat lamang na alam kung kailan dapat panghawakan at palayain ang mga bagay o taong labis nating pinahalagahan at minahal. Tulad ng paglimot, hindi rin madali ang magpatawad sapagkat paano mo nga naman ba patatawarin ang isang taong nagkasala sa iyo’t naging rason upang ika’y labis na masaktan? Paano mo nga ba patatawarin ang isang taong maraming beses mo ng pinatawad, binigyan ng pagkakataon at nangakong hindi na uulit ngunit sa huli’y, ginagawa at inuulit pa rin. Magawa mo pa rin kaya siyang patawarin kung pagod ka nang intindihin siya? Marahil, mahirapan tayong gawin ang bagay na ito sapagkat hindi madaling kalimutan ang sakit. Mawala man ito, ngunit kahit kailangan, hindi na mawawala pa ang sugat na iniwan nito sa ating puso. Ang pagpapatawad, tulad ng paglimot ay hindi rin madali lalo na kung ika’y hindi pa handing pakawalan ang isang bagay na minsan nang naging bahagi mo. Gayon pa man, kailangan pa rin nating matutunan kung paano magpatawad sapagkat, walang mabuting maidudulot ang poot sa atin.

           Forget o Forgive. Dalawang bagay na parehong mahirap gawin lalo na kung tayo ay hindi pa handang magpatawad o lumimot at magpalaya ngunit kapwa rin daan upang tayo ay makalaya mula sa malungkot at masalimuot na nakaraan. Kapwa daan at naglalayong tayo ay maka-move on. Kung ako ang papipiliin o tatanungin kung ano ang mas nararapat na gawin, wala akong pipiliin sapagkat ang dalawang ito ay magkaugnay at magkarugtong. Paano mo nga ba kalilimutan ang isang tao kung hindi mo pa siya napapatawad? At paano mo patatawarin ang isang tao kung hindi mo pa nakalilimutan ang mga pasakit at kalungkutang ibinigay niya sa iyo? Papaano mo nga ba makakamit ang layunin ng dalawang ito kung hindi ka pa handang magpalaya, magpatawad, lumimot at mag-move on gayon din ang tanggapin na lamang ang naging resulta ng ating nakaraan? Ika nga nila, “The best way to escape from the past is not to avoid it forget it. But to accept and forgive it.” Kung gayon, ang susi upang ating matutunan ang paglimot at ang pagpapatawad ay ang pagtanggap sa mga naging kinahinatnan ng ating mga naging desisyon. Tanggapin na lamang natin na, hindi para sa atin ang isang bagay o tao kung kaya ito ay nawala sa atin. Samakatuwid, “Forgive and forget. It may not change the past but it gives the future a chance.” Isang kasabihang lubos kong sinasang-ayunan sapagkat wala namang mawawala sa atin kung atin itong susundin. Isa pa, wala narin naman tayong magagawa kundi tanggapin na lamang ito. Kaya, kung anoman ang nangyari sa nakaraan, atin na lamang itong tanggapin sapagkat hindi naman nito mababago ang mga bagay na nangyari na at hindi na rin naman natin maibabalik pa ang mga bagay na nawala na sa atin. Kaya, “Forget your past, forgive yourself and begin again.”

No comments:

Post a Comment