Sunday, October 11, 2015

Pamanhikan, Uso Pa Ba Ito?


           Pamanhikan, uso pa ba ito? Isa lamang ito sa mga katanungang nasasagi sa aking isipan. Ngunit bago natin sagutin ang katanungang ito, marapat lamang na atin munang tukuyin ang kahulugan ng pamanhikan. Ano nga ba ang Pamanhikan?

            Ayon sa aklat ng Sining at Kasaysayan ng Panitikan ng Pilipinas o mas kilala sa tawag na Muhon, ang Pamanhikan daw ay tawag sa palitan ng mga pangungusap ng mga miyembro ng partido ng nobyo at ng partido ng nobya sa panahong bumisita na ang binata, kasama ang mga kamag-anak sa bahay ng dalaga upang hingin ang kamay nito. May dala-dalang mga pagkain, sigarilyo at iba pang mga bagay na “alay’ sa mga magulang ng nobya. Sinasabing sa panahong namanhikan na ang binata sa kanyang kasintahan at sa pamilya nito, ay agad ng kasunod ang kasal na ipauubaya sa magnobyo ang lahat ng gastusin. Ayon naman sa iba, ang pamanhikan daw ay ang pag-aalay ng nobyo sa mga magulang ng kanyang kasintahan upang makuha ang kamay ng kanyang sinisinta. Sinasabi rin na ang pagpayag ng magulang ay base sa alay na ibibigay o mapag-uusapan ng dalawang partido. Ngunit sa ating modernong panahon ngayon, uso pa ba ang Pamanhikan?

            Sa makalumang panahon, marami munang kailangang pagdaanan ang isang binata upang makuha ang kamay ng kanyang iniibig. Isa na rito ang panliligaw ng isang binata sa dalaga at maging sa mga magulang nito kung saan, ipinag-iigib ng tubig ng  binata ang pamilya ng dalagang kanyang sinusuyo. Ipinagsisibak rin ng kahoy na panggatong at hinaharana ang dalaga kung gabi. Maging ang mga magulang ng dalagang nililigawan ay susuyuin din ng binata. At kapag pumayag na ang mga magulang ng nasabing dalaga, ay saka pa lamang niya ito magiging kasintahan o nobya. Noon, sa bahay nagpapaligaw ang mga dalaga at ang mga binata naman ay ginagawa ang lahat upang kanyang makuha ang matamis na “Oo” ng kanyang sinisinta. Patunay na ang pag-ibig ay handang hamakin ang lahat masunod lamang ang anumang naisin ng kanyang puso. Ngunit kung ating ikukumpara sa modernong panahon ngayon, ating mapapansin na tila lipas na ang tradisyon o kaugaliang ito. Sapagkat, sa ating modernong panahon sa kasalukuyan, ating mapupuna na ang mga kalalakihan maging ang mga kababaihan ay nagpapaligaw o nanliligaw na lamang sa pamamagitan ng “Text” at “Facebook”.

            Kung ating mapapansin, tila nalimutan na ng panahon ang tradisyon o kaugaliang ito. O kung hindi naman nalimutan ay iilan na lamang ang mga gumagawa nito. Ayon nga sa aklat ng Sining at Kasaysayan ng Panitikan ng Pilipinas, hindi naman tuluyang naglaho ngayon ang ganitong kaugalian sa mga nayon, ngunit ang nawala ay ang mga pananalitang sasabihin sa panahong ito. Sa madaling sabi, hindi pa naman tuluyang naglalaho o nalilimutan ang kaugaliang ito. Ngunit madalang na itong makita sapagkat hindi na lahat ay gumagawa nito. Hindi na ito makikita sa mga syudad sapagkat ang kanilang katwiran ukol dito ay, “Moderno na ang panahon ngayon, hindi na uso yang mga ganyan. Sa mga probinsya na lamang mayroon nyan.” Kung ating papansinin ang nasabing pahayag, ating mapupuna na mas pinahahalagan ng mga taga-syudad ang modernisasyon sa kasalukuyan. Kung atin naming titingnan ang mga taga-nayon at probinsya, ating mapapansin na buhay na buhay at patuloy pa rin sa kanila ang mga lumang kaugalian at tradisyong ito. Kung kaya, sa ating modernong panahon sa kasalukuyan, ang pamanhikan ay madalas na lamang matagpuan o makitang ginagawa sa mga nayon at probinsya.

            Tunay ngang ang ating kultura at panitikan ay “dynamics” sapagkat ito ay nadadagdagan ngunit nababawasan din. Huwag naman sana nating kalimutan ng basta na lamang ang ating mga tradisyon gayon din ang ating mga kaugalian. Marapat lamang na ito’y panatilihin at ipagpatuloy para sa mga susunod pang henerasyon.

            Samakatuwid, ang pamanhikan ay bahagi ng ating tradisyon at kaugalian. Kung kaya, marapat lamang na atin itong muling buhayin bilang pagpapahalaga at pag-alala sa ating kultura bilang mga Pilipino.

No comments:

Post a Comment