Sunday, October 11, 2015

Si Titser Bilang Guro, Magulang at Kaibigan


        Para sa ilan, ang titser ay ang taong gumagabay sa atin sa tamang landas at ang nagtuturo sa atin ng mga bagay-bagay tungkol sa buhay. Ayon naman sa iba, ang isang titser ay isang taong nagbibigay ng edukasyon para sa mga mag-aaral. Ang gampanin niya ay kadalasang pormal at umiiral na isinasagawa sa isang paaralan. Ngunit ito nga ba talaga ang tunay na depenisyon ng pagiging guro? Ito nga ba talaga ang gampanin natin bilang mga guro sa hinaharap? Sa aking mga tagapakinig, isang magandang umaga sa inyong lahat.

        Tunay na hindi madali ang pagiging guro. Ngunit hindi ito dahilan upang hindi natin gawin ang lahat ng ating makakaya sa pagtuturo. Sapagkat si Titser bilang Guro, ay marapat lamang na hindi basta-basta kung magturo. Hindi lamang dapat pang-akademikong pagkatuto ang ating ibinibigay sa kanila. Hindi rin sapat na, basta lang alam natin ang kanilang kalakasan at kahinaan pagdating sa akademikong pagkatuto. Sapagkat tayo, bilang mga guro sa hinaharap ay marapat lamang na may kaunting kaalaman o background tungkol sa buhay ng ating mga mag-aaral. At marapat rin na hindi lamang pang-akademikong pagkatuto ang ating itinuturo sa kanila kung ‘di maging ang pagkatuto na kanilang magagamit sa tunay na buhay o sa realidad. Hindi rin naman porke tayo ay mga guro’y matatakot na tayong masapawan ng ating mga mag-aaral. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na may mga ganyang guro. Hindi nga ba’t, ang pagiging guro ay nangangahulugang, patuloy na pagkatuto? Maaaring marami tayong nalalaman ukol sa akademikong atin nang natutunan. Ngunit sapat ba ito? Ating tandaan na tayo’y may alam na hindi alam nang iba. Ngunit ang iba’y may alam, na hindi natin alam. Bilang guro, tayo’y marapat lamang na matuto kasabay at kasama ng ating mga mag-aaral. Sapagkat ang pagkatuto at kaalaman ay hindi dapat na ipinagdaramot sa bawat taong gustong matuto. Dahil ang pagkatuto ay para sa lahat.

         Hindi madali ang maging guro. Ngunit hindi rin naman madali ang maging magulang. Paano pa kaya ang maging guro at magulang nang sabay? Ayon sa ilan, “Guro ang nagsisilbing ikalawang magulang ng mga mag-aaral pagdating sa paaralan.” Si Titser bilang Magulang, ay marapat lamang na aware sa mga pagbabagong ikinikilos ng kanyang mga mag-aaral. Bilang ikalawang magulang ng mga mag-aaral, marapat lamang na alamin natin ang kanilang mga pinagdaraanan, bigyan sila ng payo at maging gabay sa tamang landas na kanilang tatahakin upang maging matagumpay. Ika nga nila, “Ang tagumpay ng mag-aaral ay tagumpay rin ng guro. Ngunit ang kamalian ng mga mag-aaral ay kapintasan ng guro.” Masakit isipin na may mga mag-aaral na napapariwara ng landas. Kung masakit ito sa kalooban ng kanyang mga magulang, ganoon din sa kalooban ng kanyang mga naging guro. Sapagkat katuwang ng mga magulang ang mga guro sa daan upang mapabuti ang buhay ng bawat mag-aaral. Sapagkat si Titser katulad ng magulang ay mas iisipin ang ikabubuti ng kanyang mga mag-aaral kung kaya naman, ibibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya para sa kanyang mga minamahal na mag-aaral.

        Hindi mahirap ang pakikisama para sa atin bilang mga guro. Hindi rin mahirap ang pakikipagkaibigan para sa atin kung kaya, kahit saan tayo magpunta’y may nakakikilala sa atin at tayo’y binabati na lamang. Ngunit, ang ilan naman sa kanila’y hindi na natin matandaan. Si Titser bilang Kaibigan, ay nararapat lamang na flexible. Alam kung paano makikisama at makikisalamuha sa bawat taong kanyang nakasasalamuha gayon rin kung paano, makikisama sa kanyang mga mag-aaral. Ang guro ay hindi lamang basta guro sapagkat maaari din siyang maging kaibigan na masasabihan ng problema, mahihingan ng tulong at handang makinig at magbigay ng payo. Hindi bilang isang guro kung ‘di, bilang isang kaibigan. Kaibigang matatakbuhan sa oras ng pangangailangan. Sapagkat sila’y mga  taong, matatawag na tunay na kaibigan. Kaibigang daramayan tayo sa lahat ng oras. At sa ati’y magpapahalaga. Ganyan si Titser. Mas uunahin tayo kaysa sa kanyang sarili.

         Ang pagtuturo bilang isang bokasyon at hindi bilang isang propesyon ay tunay na hindi madali. Samakatuwid, ang pagiging guro ay isang pagsubok. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na, bahagi na ito ng ating piniling bokasyon. Ngunit sa kabila nito’y ibibigay pa rin ni Titser ang kanyang best. Mahirapan ma’y gagawin pa rin para sa kanyang minamahal na mag-aaral. Kahit pa alam niyang kalauna’y, siya ay unti-unting mawawala sa alaala ng kanyang mga mag-aaral at tuluyang makalilimutan ay kanya pa rin itong gagawin sapagkat para sa kanya, “They may forget what you said but they will not forget how you made them feel.” Sa kapwa ko mag-aaral, sa aking propesor at sa aking mga tagapakinig, ibig kong iparating sa inyo na, hindi mahirap pakisamahan ang mga guro. Oo nga’t minsan sila’y istrikto, masungit, mataray at minsan pa nga’y terror. Minsan akala natin, matitigas ang puso nila ngunit, pusong mamon rin pala. Sa kabila ng lahat ng ito, open pa rin sila pagdating sa mga tulong na ating kailangan. Ang nais lamang nila, tayo ay magsabi ng maayos at sila’y irespeto. Bilang mga mag-aaral, huwag sana natin silang abusuhin. Oo nga’t ikalawang magulang at kaibigan natin sila sa labas at tila pa nga kabarkada kung minsan. Ngunit kapag nasa loob na ng silid-aralan, marapat lamang na atin silang tratuhin bilang mga guro na karapat-dapat irespeto. Mga kaibigan, Si Titser Bilang Guro, Magulang at Kaibigan.

No comments:

Post a Comment