Sunday, October 11, 2015

Balangkas ng Pasusuri sa Dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil


"Ang kilusan ay binuo para sa bayan."
                                                                                                                 -Elias

        Isa sa mga winika ni Elias sa dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil na lubos kong sinasang-ayunan. Sa sinabing itoni Elias, ating mahihinuha o mapapansin na tila ba sinasalamin nito ang kasalukuyang kaganapan sa ating lipunan na matatawag nating katiwalian. Ang ating mga pinuno na mas inuuna  ang kanilang pansariling interes kaysa sa kapakanan ng kanyang nasasakupan ay ipinakikita nito. Maging ang estado ng pamumuhay ng mga mahihirap at mayayaman ay ipinakita rin nito. Sa madaling sabi, pinupuna’t ipinakikita ng dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil ang tunay na nagaganap sa ating lipunan. Binigyang pansin rin nito ang mga taong umaabuso sa kanilang mga katungkulan bilang tagasunod ng pamahalaan at simbahan. Ngunit kung ating susuriin ang dulang ating napanood, papasa kaya ito sa panlasa ng mga manonood at kritiko? Ano bang kinalaman ng dulang ito sa dalawang akdang isinulat ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na pinamagatang Noli Me Tangere at El Filibusterismo? At bakit nga ba ito pinamagatang, Noli at Fili Dekada Dos Mil? Atin itong malalaman sa pagsusuring ito ng dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil.

         Ang dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil, kung ating susuriin ay tunay na naipakita nito ang kaganyakang universal gayon din ang mga kinakailangang elemento ng uri o estilo na nakapagbigay ng motibasyon sa mga manonood. Mas lalo pang nakadagdag pansin dito ang malinaw na pagkakabuo ng mga pangyayari tungo sa kasukdulan sapagkat naging makatotohanan at malinaw ang paglalarawan ng tauhan na gumising sa damdamin ng mga manonood. Lalo na nang i-ugnay ang dula sa mga naganap noon sa dalawang nobelang isinulat ni Rizal na pinamagatang, Noli Me Tangere at El Filibusterismo at sa kasalukuyang kaganapan sa ating lipunan. Ang mahusay at makatotohanang diyalogo o usapan ay nakadadala ng emosyon lalo na kung ika'y nakaupo sa harap sapagkat talagang damang-dama mo ang kanilang isinasadula gayon din ang mga aksyon at pag-arteng kanilang ipinakikita. Tila ba ika'y kasama sa pagtatanghal na kanilang ginagawa. Nakatutuwa ring panoorin ang mga katimpian ng mga tauhan sa dula. Sapagkat nagagawa nilang timbangin ang mga damdaming kanilang dapat na ipakita sa mga manonood. Mga bugso ng damdamin na nagagawa nilang pigilin at ipakita o ilabas sa tamang sitwasyon ng pangyayari sa dula. Isang magandang halimbawa nito'y ang pangyayari sa dula kung saan, labis na nagtimpi si Mayor Ibarra ngunit sa huli' tuluyan nang napatid ang pisi ng kanyang pasensya't tuluyan nang hindi napigilan ang galit na kanyang nadarama.

        Kung batay naman sa pagganap o acting ang ating pag-uusapan sa pagsusuri sa Dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil, ating makikita na kapani-paniwala ang bawat pagganap sa mga tauhan sa dula at nababagay rin sa kanila ang mga katangian ng interpretasyon at pagsasalita o projection na sa kanila'y ibinigay sapagkat ang bawat tauhan, kung magpahayag ng kanilang mga linya ay tunay na nakadadala sa mga manonood. Nakadagdag pa rito ang pagtamo sa pagpapahayag ng linya at "Cue pick-up" sa tamang tempo at ritmo. Gayon din ang kilos, senyas at galaw ay nakagaganak, malinaw, may pagkakaiba-iba at naaangkop. Sapagkat nagagawa at naisasabay nila ito nang nakabase sa mga salitang kanilang binibitiwan. Naging kasiya-siya rin ang masining na pamamaraan ng pagganap. Lalo na nang ang ilang mga tauhan ay nawala ngunit biglang bumalik muli at ipinakikita ang kanilang sarili bilang bagong mga tauhan. At ang kapangyarihan at damdamin ng tauhan ay kapwa magkakatugma at may makatotohanang reaksyon o pagtugon sa bawat diyalogo, sitwasyon o reaksyon. Naging sanhi rin ito upang kanilang mapanatili ang himig o mood ng dula. Ang pagtatamo ng kasukdulan ay kanila ring naipakita kahit pa may ilan sa mga tauhan ang natawa at nadala na rin sa pagtawa ng mga manonood sa isang bahagi ng pangyayari sa isang dula. Naipahayag rin ng mga tauhan ang kanilang nais naiparating gamit ang oral at biswal na reaksyon. Idagdag pa rito ang malinaw, mapagtimpi, nakagaganyak at matipid na pagpapahayag ng mga tauhan sa dula. Ngunit, kung ating mapapansin, may ilang mga tauhan sa dula ang nauutal sa pagpapahayag ng kanilang mga linya. Marahil, ito ay dahil sa labis na kabang sa dibdib ay namamayani. Hindi nga naman talaga biro ang pagtatanghal sa harap ng maraming tao. Gayon pa man, nakatutuwang ang bawat tauhan ay nagampanan ng maayos ang kani-kanilang mga papel na ginampanan sa dula.

             Naging maganda naman ang sequence ng pagsulat ng dula o script at daloy ng mga pangyayari sa kwento. Iyan ay kung batay sa awtor ang pag-uusapan sapagkat kung ating mapapansin, naiugnay ng awtor ang mga pangyayaring naganap sa dalawang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na isinulat ni Rizal at ang mga isyung nagaganap sa kasalukuyan. Nakatutuwa sapagkat nagawa ng awtor na hindi mailayo sa halip ay naipakita pa ang tunay na layunin at pangyayaring naganap sa nasabing mga akdangisinulat ni Rizal. Ang lahat ng aspekto ng pagkakaisa ay tunay na naging layunin ng awtor sa pagsulat ng nasabing kwento. Dahil naiugnay ng awtor ang pangyayari o isyu sa kasalukuyan at mga pangyayaring naganap sa dalawang nobela, naipakita niya sa kabuuan ng tanghalan at naging epektibo sa empasis, pagkakatugma at pagkakaiba-iba. Ipinakita lamang nito na wala pa ring pagbabago dahil magpasahanggang ngayon ay talamak pa ring nagaganap ang katiwalian sa ating lipunan. Dahil dito, ang ritmo at tempo ay nagdulot ng tamang himig na angkop sa kasukdulan at tamang eksena o yugto sa dula. Sa pamamagitan ng masining na pagbuo ng daloy ng bawat yugto o eksena ng kwento sa dula, ang pag-ugnay nito sa nakalipas at sa kasalukuyan ang naging dahilan upang maging tama ang pagkakatimbang ng damdamin at panlasa sa kagandahan o sining. Nakatutuwa sapagkat naipakita ng awtor ang tunay na ideolohiya ni Rizal sa pagsulat ng mga akdang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Bagay na talagang naipaunawa ng awtor sa mga manonood. Hindi madali ang pagsulat o pagbuo ng isang sulatin o akda na batay sa ideolohiya ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal ngunit nakatutuwang isipin na ang awtor nito ay hindi natakot na ipahayag at iparating sa mga mambabasa at manonood ang nais niyang iparating. Tunay na walang saysay ang pagsulat na may parangal kung wala naman itong naiparating sa kanyang mga mambabasa at manonood. Nakagagalak sapagkat, hindi ito naipakita ng awtor.

            Maraming props ang makikita sa tanghalan. Ang ilan dito ay ang mga ilaw na nakapagragdag ng tamang panoorin, emphasis at himig. May mga bahagi o yugto rin ng dula na tila hindi naging angkop ang tagpuan o tanawin. Gayon pa man, binawi naman ito sa costume o make-up na umaayon o bumabagay sa tauhan, panahon, himig at estilo. Ang minsanang paggamit ng musika, tunog at iba pa ay naging epektibo rin. Lalo na ang paggamit ng baril gayon din ng effects na ginamit nito ay naging epektibo rin sapagkat ang mga ingay na lumalabas rito ay nakadadala sa yugto ng eksena at nakadadala sa damdamin ng mga manonood. Ang mabilis at tahimik na pagpapalit ng eksena ay naging epektibo rin sapagkat ni isang saglit ay hindi naiwang blangko ng mga tauhan ang entablado. Tunay na naipakita rito ang mabilis na pagkilos at paghahanda ng bawat tauhan sa dula.

            Sa bahaging ito ng pagsusuri, ating mapapansin na naging bahagi na nang tanghalan ang mga manonood. Kung ating mapapansin, ang bawat manonood, saan mang sulok ng tanghalan, ay may iba’t ibang reaksyong ipinakikita sa bawat yugto o eksena sa dula na naaayon sa layunin ng dula. Ang mga dramatikong eksena dahil sa magagandang salitain o pahayag o matatawag ngang mga hugot. Ang pagbibitiw o pagpapahayag ng mga salitang ito ay labis na nakadaragdag ng pagkuha ng atensyon sa mga manood. Kung ang pagpalakpak naman ng mga manonood ang pag-uusapan o pupunahin, ating mapapansin na ang ilan ay pumapalakpak sarcastically o tila ba nang-uuyam lamang o di naman kaya’y dahil nagustuhan nila ang mga naganap sa nasabing eksena o yugto sa dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil. Gayon pa man, ang impak nito sa mga manonood ay naging maganda at tunay na nakadadala. Bilang isa sa mga manonood, ang dulang aking napanood ay aming pinag-uusapan, binabalikan o sinasariwa sa aming gunita sapagkat nakatutuwang nagawang ipahayag ang ideolohiya ni Rizal gayon din ang pag-uugnay nito sa kasalukuyan at ang paglalagay nito ng awit sa istorya.

                Ang dulang ito na pinamagatang, Noli at Fili Dekada Dos Mil ay binigyang pamagat sa ganitong paraan sapagkat kung ating mapapansin, dinala ng awtor ang istorya o kwento ng dalawang akdang isinulat ni Dr. Jose Rizal sa makabagong panahon o sa kasalukuyan na tinatawag na 21st Century. Maiuugnay ito sa dalawang akda ni Rizal sapagkat katulad ng ideolohiya ng ating pambansang bayani, isiniwalat rin nito ang kinahaharap na kanser ng ating lipunan.

            Ang pagbuo ng isang istorya at pagganap sa isang dula lalo na kung ito ay may kinalaman sa ideolohiya ni Rizal ay tunay na hindi madali. Ganoon pa man, nagawa pa rin itong magampanan ng maayos ng bawat tauhan. Ang dulang ito na pinamagatang, Noli at Fili Dekada Dos Mil ay isang halimbawa ng isang napakaganda at primyadong dula sapagkat nagawa nitong bigyan ng bagong mukha ang dalawang akdang isinulat n gating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na pinamagatang, Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Nagawa nitong i-ugnay at isiwalat ang mga katiwaliang nagaganap sa lipunan noong panahon ng mga kastila at magpasahanggang ngayon. Samakatuwid, ang dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil ay sumasalamin sa kalagayan ng ating lipunang ginagalawan at kinabibilangan gayon din ng mga pinuno at institusyon o kilusan na sa halip na unahin ang kapakanan ng mga mamamayan o sambayanan ay mas inuuna pa ang kanilang pansariling interes. Kung matututunan lamang sana ng mga may katungkulan sa bawat institusyon o kilusan na unahin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan at pansamantalang isantabi muna ang kanilang pansariling interes, marahil ay may pag-unlad sa ating pamayanan. Ayon nga sa winika ni Elias, “Ang kilusan ay binuo para sa sambayanan.” Sa madaling sabi, hindi ito para sa pansariling interes ng mga namumuno sapagkat ito ay para sa sambayanan na dapat inuuna ng mga institusyon o kilusang kanilang kinabibilangan. Sapagkat ginawa at binuo ang institusyon o kilusan para sa ikauunlad ng lahat at hindi ng pinuno lamang.

No comments:

Post a Comment