Sunday, October 11, 2015

Alaala ni Sir


            Isang lalaking nakapustura ang pumasok sa aming silid-aralan isang tanghali. Sa una’y aakalain mong isa lamang siyang tinder na nag-aalok ng kanyang mga paninda sa mga mag-aaral sapagkat nakasabit sa kanyang balikat ang napakalaking bag na kulay itim.
Laking gulat na lamang naming nang aming mapagtanto na maaaring siya ang aming maging guro para sa nasabing asignatura. Kaba, takot at kung anu-ano pa ang aming naramdaman lalo na nang sabihin niyang, “Pumunta sa harap at ipakilala ang sarili!” Bilang mga mag-aaral, kami na lamang ay sumunod. Matapos ang kanyang ipinagagawa, “Hindi ko pa sigurado kung ako nga ang magiging propesor ninyo para sa asignaturang ito.” Kanyang sinabi. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, kami ay nakaramdam ng inis at tuwa. Tuwa sapagkat hindi pa siguradong siya na nga ang aming magiging Propesor para sa nasabing asignatura. At inis sapagkat natakot at kinabahan kami para sa wala.

            Di kalaunan, siya ay aming nakilala ng lubusan. Siya ay isang taong napakaseryoso at palaging nagmamadali na tila ba may taksing naghihintay sa labas. Ngunit kapag siya na ay nagturo, marapat lamang na ikaw ay making sapagkat kung hindi, asahan mo na ang kanyang pagbanggit sa iyong pangalan sa harap ng klase gamit ang kanyang lapel. O kung hindi man, siya ay magpaparinig na ibahagi mo sa buong klase ang pinag-uusapan ninyo ng iyong katabi (tila ba paniki na kay talas ng pandinig). Madalang tumawa ngunit kapag siya naman ay tumawa sa gitna ng klase o sa aktibidad na kanyang ipinagagawa katulad na lamang ng debate, siguradong ikaw ay madadala sapagkat kung siya’y tumawa’y, bilog na bilog ang hugis ng kanyang bibig at tila si Santa Claus (Ha-ha-ha!) Kanyang tawa. Mabibilang sa daliri ng kamay ang bawat pantig ng kanyang halakhak sapagkat tipid na tipid iyon. Dahil rito, ika’y matatawa na rin hindi dahil sa mga nagaganap sa iyong paligid. Kung hindi dahil sa kanyang tawa.

            Kakaibang estilo sa pagtuturo ang kanyang tinataglay. Magkaibang set ng pagsusulit ang kanyang ibinibigay sa bawat hanay na ang karamihan ay essay o paghingi ng iyong opinion ukol sa inyong pinag-aralan o nileksyon ang kanyang ibinibigay na uri ng pagsusulit (tila ba naniniguradong hindi kayo makapagkokopyahan ng iyong katabi). Bagay na aking hinangaan at nagustuhan sa kanyang estilo o paraan ng pagbibigay ng pagsusulit. Nakalulungkot, nakapanghihinayang. Sayang nga lamang sapagkat hindi ko na siya naging propesor pang muli.

            Ayoko nang dagdagan pa ang panghihinayang na aking nadarama sa tuwing aking naaalala ang kanyang estilo sa pagtuturo. Na sa bawat araw na nakaiskedyul ang kanyang klase at sa oras na dumating na ang kanyang oras para magturo sa amin, pagkasabik ang aming nadarama. Pagkasabik na matutong muli sa kanyang mga leksyon. Ayoko nang isipin pa sapagkat ako lamang ay nalulungkot at natutuwa. Natutuwa sapagkat palagi niyang binabanggit ang aking pangalan sa harap ng klase upang sawayin (Timola, cellphone!) Ngunit ang totoo, ilalagay ko lamang naman ito sa aking bulsa. Ang pagtawa niya ng tila ba ginagaya si Santa Claus at ang palagi niyang pagmamadali (dahilan kaya palagi siyang hagard). Nalulungkot sapagkat, ito ay isa na lamang alaala mula sa isang propesor na kay raming itinuro sa akin at sa aking mga kamag-aral. Mga aral at kaalaman na kailanma’y ‘di mawawaglit sa aking isipan kasama ang mga masasayang alaala ni sir.

No comments:

Post a Comment