Sunday, October 11, 2015

Kung Hindi Lang Sana L.R!


        Pamahalaan ang isa sa mga salik na bumubuo sa isang bansa. Sa tulong ng pangulo, napagtitibay nito ang pamunuan ng isang bansa. Sa pangulo at pamahalaan nakasalalay ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa. Marapat lamang na pahalagahan ng pamahalaan ang mga mamamayan nito gayon din ang mga nasasakupan nito. Ngunit, paano kung hindi nabibigyang pansin ang ilan sa mga teritoryo nito at naisasantabi ang soberanya? Paano kung huling umaksyon ang pamahalaan? Foreign Garbage mula sa Canada, kanino ba ang dapat isisi? Ano ba talaga ang tungkulin ng isang pangulo? Ilan lamang sa mga katanungan na humihingi ng kasagutan. Ngunit, tila wala pa ring malinaw na kasagutan.

            Teritoryo ang isa sa mga salik na bumubuo sa isang bansa. Kalakip nito ang soberanya o ang karapatan ng isang bansa sa kanyang teritoryo. Ngunit tila hindi nabantayan ng pamahalaan ng mabuti ang teritoryo nito. Dahilan upang maangkin ito ng bansang Tsina. Ang isyu sa West Philippine Sea, Ayungin Island, Mischief Reef at iba pang mga isla na ngayo’y isla na ng Tsina at unti-unti nang kinukuha ng bansang Tsina. Sadya ngang di naging maganda ang biro ng tadhana at ang pag-aaring nasa atin noon ay tila hinayaan nating mawala. Pag-aaring kung inalagaan lamang sana natin at hindi hinayaang maangkin ng iba, tayo sana ang nakikinabang ngayon. Ang Ayungin Island na unti-unti na ring kinukuha sa atin ng bansang Tsina. Kung tuluyang makukuha ito ng Tsina, hindi malayong lalong mag-abot dili ang ating bansa. Hindi malayong magsimula ito ng kaguluhan sa ating bansa. Kung patuloy natin itong hahayaan, tila tayo na mismo ang humuhukay ng sarili nating libingan.

            Foreign garbage. Isa pa ito sa mga isyung kinahaharap ng ating bansa. Mga basurang nagmula sa Canada ngunit dito sa ating bansa dinadala upang itapon. Anong nangyayari’t tila pumapayag ang ating pamahalaan na gawin tayong tapunan o basurahan ng ibang bansa? Ni hindi man lamang inisip ang maaari nitong maging epekto nito sa mga mamamayan na naninirahan sa mga lugar na pinagtatapunan nito. Ang epekto nito sa kalusugan ng mga may gatas pa sa labi’t mga amoy-lupa. Gayon din sa mga laman ng lansangan. Tila pamahalaan pa natin ang nagtutulak sa atin sa bangin. Bakit tila panatutunayan pa ng ating pamahalaan ang sinasabi ng ilan na ang ating bansa ay tapunan ng mga basura at pinagsawaan na ng ibang mga bansa? Tila tayo ay mga utak-lamok na pamapayag na gawing basurahan at tapunan ang sarili nating tahanan gayong hindi naman tayo ang nagkalat nito. Muli, huli na naman ang pag-aksyon ng ating pamahalaan ukol sa isyung ito. Kung ating mapapansin, ibig ng ating pamahalaan na ibalik ang tone-toneladang mga basurang ito kung kailan, nandirito na sa ating bansa. Bakit hindi nila ito hinarang at ipinagbawal nung nasa biyahe pa lamang ito’t dadalhin pa lamang sa ating bansa? Nakapagtatakang ngayon nila ito gagawin at aaksyunan gayong nasa ating bansa na. Bakit ba ganito na lamang ang pagiging kapit-tuko ng ating pamahalaan, nagiging mahina ang tingin sa atin ng ibang bansa sapagkat, tila ating panatutunayan na hindi natin kayang tumayo sa sarili nating mga paa. Pinatutunayan lamang nito sa mga mamamayan na basa na ang papel ng ating pamahalaan.

            Tuwing sumasapit ang eleksyon, tayong mga Pilipino ay mga hilong-talilong sa pagpili ng susunod na pangulo ng ating bansa. Ngunit ano nga ba ang nararapat na maging basehan sa pagtatalaga ng susunod na pangulo? Dapat ba yung nagsunog ng kilay at di-makabasag pinggan? O yung balat-kalabaw at hindi kakapitan ng alikabok? Anoman ang ating piliin, ang mahalaga ay nagagawa niya ang kanyang tungkulin bilang isang pangulo. At ito ay ang maging ama o ina ng ating bansa. Isang ama o ina na gagabay at magtatama sa atin sa lahat ng oras. Isang pangulo na magiging katuwang natin sa pag-unlad. Pag-unlad na mararanasan ng lahat. Sapagkat umaangat man ang ating ekonomiya, mga negosyante at mayayaman lamang naman ang nakararamdam nito. Ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong humihirap gayong sila dapat ang pinagtutuunang pansin ng ating pamahalaan. Ang kailangan ng ating bansa ay pangulo at pamahalaan na magpapatibay at po-protekta samga mamamayan nito. Pangulong mamahalin at aalagaan ang mga bagay at pag-aari na mayroon siya at ang kanyang nasasakupan.

            Mahalagang ingatan at alagaan natin ang mga bagay na mayroon tayo habang nasa atin pa ito. Hindi natin dapat hayaan ang ibang bansa na makuha ito sa atin. Gayon din ang tapakan ang ating pride at dignidad. Hahayaan pa ba nating tuluyang mawala sa atin ito bago tayo kumilos? Papayag ba tayong maliitin ng ibang bansa? Marahil, hindi. Sino ba naman ang gugustuhing umabot sa huling-hantungan nang hindi man lamang nakalalasap ng pag-unlad? Sa tulong ng ating pamahalaan lalo na ng ating pangulo, uunlad ang ating bansa. Huwag lamang sana leyt umaksyon ang ating pamahalaan. Samakatuwid, pangulo at pamahalaan ang nagsisilbing pundasyon ng isang bansa. Anoman ang maging aksyon at desisyon na gagawin nito, mga mamamayan at pag-aari nito ang magdurusa sa huli kung kaya marapat lamang na maging maingat ang mga ito sa pagdedesisyon.

No comments:

Post a Comment