Sunday, October 11, 2015

Pagmamahal Sa Sarili, Sa Kapwa at Sa Sariling Bayan Lang ang Kailangan!



Ayon sa isinulat na akda ni Jaeyoun Kim na pinamagatang, "A Korean Message For The Filipinos", hindi kurapsyon ang problema ng Pilipinas kundi ang kawalan ng pagmamahal ng mga Pilipino sa sarili nitong bansa. Nakahihiya mang aminin ngunit marahil, tama ang tinuran ni Jaeyoun Kim. Paano nga naman uunlad ang bansa kung walang pagmamahal ang mga mamamayan nito sa sarili nitong bansa? Marahil, marapat lamang na pagtuunan natin ng pansin ang pagmamahal sa ating sarili, sa ating kapwa at higit sa lahat, sa ating sariling bayan.

                Marapat lamang na matutunan muna nating mahalin ang ating mga sarili una sa lahat. Tanda ng respeto sa ating sarili. Sapagkat tayo’y hindi irerespeto ng iba kung tayo mismo ay walang respeto sa ating mga sarili. Ang kawalang respetong ito sa ating mga sarili ay maaaring pagsimulan ng krimen. Sa paanong paraan? Isang halimbawa nito ang rape. Paanong irerespeto ng iba ang mga babaeng mahahalay ang pananamit kung sila mismo, ipinakikita na wala silang respeto sa kanilang mga sarili?

                Ikalawa ay ang pagmamahal sa kapwa. Malasakit at respeto sa iba, ito ang tanda ng pagmamahal sa kapwa. Kurapsyon ang mabuting halimbawa nito. Ang mga nasa katungkulan na patuloy na ibinubulsa ang pera ng taong bayan at ang nais lamang ay mapabuti ang kanilang sarili ay halimbawa ng mga taong makasarili na hindi man lamang inisip muna ang iba bago gumawa ng desisyon. At sa huli’y kanila pang ipipilit na makuha ang simpatya ng mga mamamayan na kanilang ninakawan. Sa halip na tulungan ay kanila pang pinahihirapan. Marahil, dapat lamang na iwasan nating maging makasarili at magkaroon ng malasakit sa iba upang nang sa gayon ay ating makamit kahit kaunti ang kaunlaran.

                At ang huli ay ang pagmamahal sa bayan. Kung ating mapapansin, ay ating mas tinatangkilik ang produkto ng ibang bansa kaysa sa ating sariling mga produkto. Tila ba atin nang nakalilimutan ang ating sariling produkto. Ang ating kultura na unti-unti nang nawawala na tila ba binubura na ng panahon. Ang ating mga bayani ay namatay dahil sa pagmamahal sa ating sariling bayan. Ngunit, bakit tayo? Bibili lamang ng sariling produkto’y hindi pa magawa. Hindi naman masamang tangkilikin ang produktong gawa ng ibang bansa. Ang masama’y pati kultura ng mga bansang ito’y atin nang nakukuha at pati ating sariling kultura ay atin nang naisasantabi. Tayong mga Pilipino na dapat  unang nagmamahal at nagpapahalaga sa ating bansa ay siya pang nakalilimot at ibang tao pa ang siyang nagmamalasakit dito. May mga tao pa kayang handang mamatay para sa kanilang sariling bayan?

                Kung atin lamang sanang matututunang mahalin ang ating sarili, kapwa at sariling bayan, marahil ang pag-unlad na ating inaasam ay atin ding makakamtan katulad ng kinahinatnan ng ibang mauunlad na bansa at hindi tayo kailangang kaawaan ng ibang bansa.

Si Titser Bilang Guro, Magulang at Kaibigan


        Para sa ilan, ang titser ay ang taong gumagabay sa atin sa tamang landas at ang nagtuturo sa atin ng mga bagay-bagay tungkol sa buhay. Ayon naman sa iba, ang isang titser ay isang taong nagbibigay ng edukasyon para sa mga mag-aaral. Ang gampanin niya ay kadalasang pormal at umiiral na isinasagawa sa isang paaralan. Ngunit ito nga ba talaga ang tunay na depenisyon ng pagiging guro? Ito nga ba talaga ang gampanin natin bilang mga guro sa hinaharap? Sa aking mga tagapakinig, isang magandang umaga sa inyong lahat.

        Tunay na hindi madali ang pagiging guro. Ngunit hindi ito dahilan upang hindi natin gawin ang lahat ng ating makakaya sa pagtuturo. Sapagkat si Titser bilang Guro, ay marapat lamang na hindi basta-basta kung magturo. Hindi lamang dapat pang-akademikong pagkatuto ang ating ibinibigay sa kanila. Hindi rin sapat na, basta lang alam natin ang kanilang kalakasan at kahinaan pagdating sa akademikong pagkatuto. Sapagkat tayo, bilang mga guro sa hinaharap ay marapat lamang na may kaunting kaalaman o background tungkol sa buhay ng ating mga mag-aaral. At marapat rin na hindi lamang pang-akademikong pagkatuto ang ating itinuturo sa kanila kung ‘di maging ang pagkatuto na kanilang magagamit sa tunay na buhay o sa realidad. Hindi rin naman porke tayo ay mga guro’y matatakot na tayong masapawan ng ating mga mag-aaral. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na may mga ganyang guro. Hindi nga ba’t, ang pagiging guro ay nangangahulugang, patuloy na pagkatuto? Maaaring marami tayong nalalaman ukol sa akademikong atin nang natutunan. Ngunit sapat ba ito? Ating tandaan na tayo’y may alam na hindi alam nang iba. Ngunit ang iba’y may alam, na hindi natin alam. Bilang guro, tayo’y marapat lamang na matuto kasabay at kasama ng ating mga mag-aaral. Sapagkat ang pagkatuto at kaalaman ay hindi dapat na ipinagdaramot sa bawat taong gustong matuto. Dahil ang pagkatuto ay para sa lahat.

         Hindi madali ang maging guro. Ngunit hindi rin naman madali ang maging magulang. Paano pa kaya ang maging guro at magulang nang sabay? Ayon sa ilan, “Guro ang nagsisilbing ikalawang magulang ng mga mag-aaral pagdating sa paaralan.” Si Titser bilang Magulang, ay marapat lamang na aware sa mga pagbabagong ikinikilos ng kanyang mga mag-aaral. Bilang ikalawang magulang ng mga mag-aaral, marapat lamang na alamin natin ang kanilang mga pinagdaraanan, bigyan sila ng payo at maging gabay sa tamang landas na kanilang tatahakin upang maging matagumpay. Ika nga nila, “Ang tagumpay ng mag-aaral ay tagumpay rin ng guro. Ngunit ang kamalian ng mga mag-aaral ay kapintasan ng guro.” Masakit isipin na may mga mag-aaral na napapariwara ng landas. Kung masakit ito sa kalooban ng kanyang mga magulang, ganoon din sa kalooban ng kanyang mga naging guro. Sapagkat katuwang ng mga magulang ang mga guro sa daan upang mapabuti ang buhay ng bawat mag-aaral. Sapagkat si Titser katulad ng magulang ay mas iisipin ang ikabubuti ng kanyang mga mag-aaral kung kaya naman, ibibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya para sa kanyang mga minamahal na mag-aaral.

        Hindi mahirap ang pakikisama para sa atin bilang mga guro. Hindi rin mahirap ang pakikipagkaibigan para sa atin kung kaya, kahit saan tayo magpunta’y may nakakikilala sa atin at tayo’y binabati na lamang. Ngunit, ang ilan naman sa kanila’y hindi na natin matandaan. Si Titser bilang Kaibigan, ay nararapat lamang na flexible. Alam kung paano makikisama at makikisalamuha sa bawat taong kanyang nakasasalamuha gayon rin kung paano, makikisama sa kanyang mga mag-aaral. Ang guro ay hindi lamang basta guro sapagkat maaari din siyang maging kaibigan na masasabihan ng problema, mahihingan ng tulong at handang makinig at magbigay ng payo. Hindi bilang isang guro kung ‘di, bilang isang kaibigan. Kaibigang matatakbuhan sa oras ng pangangailangan. Sapagkat sila’y mga  taong, matatawag na tunay na kaibigan. Kaibigang daramayan tayo sa lahat ng oras. At sa ati’y magpapahalaga. Ganyan si Titser. Mas uunahin tayo kaysa sa kanyang sarili.

         Ang pagtuturo bilang isang bokasyon at hindi bilang isang propesyon ay tunay na hindi madali. Samakatuwid, ang pagiging guro ay isang pagsubok. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na, bahagi na ito ng ating piniling bokasyon. Ngunit sa kabila nito’y ibibigay pa rin ni Titser ang kanyang best. Mahirapan ma’y gagawin pa rin para sa kanyang minamahal na mag-aaral. Kahit pa alam niyang kalauna’y, siya ay unti-unting mawawala sa alaala ng kanyang mga mag-aaral at tuluyang makalilimutan ay kanya pa rin itong gagawin sapagkat para sa kanya, “They may forget what you said but they will not forget how you made them feel.” Sa kapwa ko mag-aaral, sa aking propesor at sa aking mga tagapakinig, ibig kong iparating sa inyo na, hindi mahirap pakisamahan ang mga guro. Oo nga’t minsan sila’y istrikto, masungit, mataray at minsan pa nga’y terror. Minsan akala natin, matitigas ang puso nila ngunit, pusong mamon rin pala. Sa kabila ng lahat ng ito, open pa rin sila pagdating sa mga tulong na ating kailangan. Ang nais lamang nila, tayo ay magsabi ng maayos at sila’y irespeto. Bilang mga mag-aaral, huwag sana natin silang abusuhin. Oo nga’t ikalawang magulang at kaibigan natin sila sa labas at tila pa nga kabarkada kung minsan. Ngunit kapag nasa loob na ng silid-aralan, marapat lamang na atin silang tratuhin bilang mga guro na karapat-dapat irespeto. Mga kaibigan, Si Titser Bilang Guro, Magulang at Kaibigan.

To Forget or To Forgive


            Bahagi na ng buhay ang pagkakaroon ng mga masasaya at malulungkot na alaala. Mga alaalang sa tuwing ating ginugunita’y nagbibigay sa atin, maaaring nang labis na kasiyahan o kalungkutan. Mga alaalang, ating binuo kasama ng mga taong ating minahal at pinahalagahan. Mga taong, nakasanayan na nating palagi lamang nariyan para sa atin. Mga taong, minsang naging dahilan kung bakit tayo naging masaya. Ngunit paano kung ang taong minsang naging dahilan ng ating labis na kasiyahan ang siya ring naging rason nang iyong labis na kalungkutan at pighati? Paano kung ang mga alaalang inyong binuo nang magkasama ang nagdudulot sa iyo ng labis na pasakit at sakit ng kalooban? Mas pipiliin mo na lamang bang ibaon sa limo tang lahat at tuluyan nang kalimutan? O patatawarin mo siya at magsisimulang muli nang wala siya?

            Ang pagkalimot o Forget sa ingles ay ang pag-alis sa ating isipan ng mga alaala ng mga bagay, tao o di kaya’y pangyayari o karanasan na sa atin ay nakasakit. Ito ay maaaring kusang maganap o di naman kaya’y, ating piliting gawin. Ito ay kusang nagaganap o kusa ang proseso ng ating paglimot kapag tayo ay napagod na. Di man natin piliting ang ating sarili’y kusa itong nagaganap. Ika nga ng ilan, “Time will heal what cannot be fixed now, a day will come when the hurt will fade and you will be free again.” Samantalang ang ating pagpilit sa ating sarili na kalimutan ang isang bagay, tao o di kaya’y pangyayari o karanasan ay dala marahil ng trauma o di naman kaya’y sanhi nang realization nang tayo ay matauhan at mapansin, tila masyado nang mahaba ang ating pagdurusa, pighati at kalungkutang ating nararanasan dahil sa pagkawala ng isang bagay o taong mahalaga sa atin. Na kung ating iisipi’y kalabisan na at katangahang matatawag kung at pang ipagpapatuloy. Ngunit anoman ang ating piliin o ang sa utak nati’y maganap, isa pa rin itong paraan ng ating utak upang ang ating sarili’y mailigtas mula sa labis na kalungkutan, pighati, pagdurusa at pasakit sa kalooban. Sa madaling sabi, ang paglimot o forget ay isang paraan upang tayo ay mahango mula sa labis na kalungkutan at pigahating ating nararanasan marahil, dahil sa isang bagay, tao o di kaya’y pangyayari o karanasan na sa atin ay nakasakit sa atin. Isa rin itong daan upang tayo ay maka-move on. Ngunit para magawa ito, marapat lamang na mauna muna nating patawarin ang ating sarili at tigilan ang pagsisisi sapagkat wala itong mabuting maidudulot sa atin kundi kalungkutan lamang.

            Matapos bigyang kahulugan ang salitang, “Forget o Pagkalimot”, atin namang bigyang kahulugan ang Pagpapatawad o Forgive sa ingles. Para sa ilan, ang forgive ay ang pagbibigay ng kapatawaran o isa pang pagkakataon sa isang taong nagakasala sa kanya. Isa itong paraan upang ating mapagaan ang ating kalooban at mapakawalan ang sama ng loob na ating nadarama. Totoong hindi madali ang magpatawad lalo na sa isang taong labis mong pinahalagahan at pinagkatiwalaan ngunit sa huli’y, labis na pighati at kalungkutan ang sa iyo’y idinulot o ibinigay. Mahirap man kung iisipin, kailangan pa ring gawin sapagkat isa itong daan upang tayo’y makalaya mula sa labis na kalungkutan at paraan rin upang tayo ay maka-move on o makalaya mula sa mapait na nakalipas o nakaraan.

          Ang paglimot at pagpapatawad ay parehong mahirap gawin. Ngunit ano nga ba ang mas mahirap? Ang paglimot o ang pagpapatawad? Kung ating titimbangin, kapwa mahirap gawin sapagkat tunay na hindi madali ang paglimot lalo na kung ika’y hindi pa. Paano mo nga ba kalilimutan ang isang alaalang naging bahagi na ng iyong buhay at minsang naging dahilan ng iyong labis na kaligayahan? Hindi nga ba’t dahil sa mga alaalang ito’y patuloy nating pinanghawakan ang mga bagay at tao na labis nating pinahalagahan at minahal kahit pa alam nating, wala na ito sa atin at mas makabubuti kung atin na lamang kalilimutan. Hindi madali ang paglimot lalo na sa isang bagay o tao na nag-iwan sa atin ng napakaraming alaala na kahit minsa’y hindi man lamang nawaglit sa ating isipan. Mga alaalang patuloy na nagpaaalala sa atin ng mga bagay na alam nating kahit kaila’y hindi na maibabalik o mangyayari pang muli. Mga alaalang patuloy na nagbibigay sa atin ng pag-asa ngunit ang kaakibat ay pighati sa kalooban. Mga alaalang dahilan kung bakit nahihirapan tayong kalimutan at palayain ang isang bagay o tao na hindi naman para sa atin. Kung kaya, tayo, bilang mga tao ay nararapat lamang na alam kung kailan dapat panghawakan at palayain ang mga bagay o taong labis nating pinahalagahan at minahal. Tulad ng paglimot, hindi rin madali ang magpatawad sapagkat paano mo nga naman ba patatawarin ang isang taong nagkasala sa iyo’t naging rason upang ika’y labis na masaktan? Paano mo nga ba patatawarin ang isang taong maraming beses mo ng pinatawad, binigyan ng pagkakataon at nangakong hindi na uulit ngunit sa huli’y, ginagawa at inuulit pa rin. Magawa mo pa rin kaya siyang patawarin kung pagod ka nang intindihin siya? Marahil, mahirapan tayong gawin ang bagay na ito sapagkat hindi madaling kalimutan ang sakit. Mawala man ito, ngunit kahit kailangan, hindi na mawawala pa ang sugat na iniwan nito sa ating puso. Ang pagpapatawad, tulad ng paglimot ay hindi rin madali lalo na kung ika’y hindi pa handing pakawalan ang isang bagay na minsan nang naging bahagi mo. Gayon pa man, kailangan pa rin nating matutunan kung paano magpatawad sapagkat, walang mabuting maidudulot ang poot sa atin.

           Forget o Forgive. Dalawang bagay na parehong mahirap gawin lalo na kung tayo ay hindi pa handang magpatawad o lumimot at magpalaya ngunit kapwa rin daan upang tayo ay makalaya mula sa malungkot at masalimuot na nakaraan. Kapwa daan at naglalayong tayo ay maka-move on. Kung ako ang papipiliin o tatanungin kung ano ang mas nararapat na gawin, wala akong pipiliin sapagkat ang dalawang ito ay magkaugnay at magkarugtong. Paano mo nga ba kalilimutan ang isang tao kung hindi mo pa siya napapatawad? At paano mo patatawarin ang isang tao kung hindi mo pa nakalilimutan ang mga pasakit at kalungkutang ibinigay niya sa iyo? Papaano mo nga ba makakamit ang layunin ng dalawang ito kung hindi ka pa handang magpalaya, magpatawad, lumimot at mag-move on gayon din ang tanggapin na lamang ang naging resulta ng ating nakaraan? Ika nga nila, “The best way to escape from the past is not to avoid it forget it. But to accept and forgive it.” Kung gayon, ang susi upang ating matutunan ang paglimot at ang pagpapatawad ay ang pagtanggap sa mga naging kinahinatnan ng ating mga naging desisyon. Tanggapin na lamang natin na, hindi para sa atin ang isang bagay o tao kung kaya ito ay nawala sa atin. Samakatuwid, “Forgive and forget. It may not change the past but it gives the future a chance.” Isang kasabihang lubos kong sinasang-ayunan sapagkat wala namang mawawala sa atin kung atin itong susundin. Isa pa, wala narin naman tayong magagawa kundi tanggapin na lamang ito. Kaya, kung anoman ang nangyari sa nakaraan, atin na lamang itong tanggapin sapagkat hindi naman nito mababago ang mga bagay na nangyari na at hindi na rin naman natin maibabalik pa ang mga bagay na nawala na sa atin. Kaya, “Forget your past, forgive yourself and begin again.”

Alaala ni Sir


            Isang lalaking nakapustura ang pumasok sa aming silid-aralan isang tanghali. Sa una’y aakalain mong isa lamang siyang tinder na nag-aalok ng kanyang mga paninda sa mga mag-aaral sapagkat nakasabit sa kanyang balikat ang napakalaking bag na kulay itim.
Laking gulat na lamang naming nang aming mapagtanto na maaaring siya ang aming maging guro para sa nasabing asignatura. Kaba, takot at kung anu-ano pa ang aming naramdaman lalo na nang sabihin niyang, “Pumunta sa harap at ipakilala ang sarili!” Bilang mga mag-aaral, kami na lamang ay sumunod. Matapos ang kanyang ipinagagawa, “Hindi ko pa sigurado kung ako nga ang magiging propesor ninyo para sa asignaturang ito.” Kanyang sinabi. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, kami ay nakaramdam ng inis at tuwa. Tuwa sapagkat hindi pa siguradong siya na nga ang aming magiging Propesor para sa nasabing asignatura. At inis sapagkat natakot at kinabahan kami para sa wala.

            Di kalaunan, siya ay aming nakilala ng lubusan. Siya ay isang taong napakaseryoso at palaging nagmamadali na tila ba may taksing naghihintay sa labas. Ngunit kapag siya na ay nagturo, marapat lamang na ikaw ay making sapagkat kung hindi, asahan mo na ang kanyang pagbanggit sa iyong pangalan sa harap ng klase gamit ang kanyang lapel. O kung hindi man, siya ay magpaparinig na ibahagi mo sa buong klase ang pinag-uusapan ninyo ng iyong katabi (tila ba paniki na kay talas ng pandinig). Madalang tumawa ngunit kapag siya naman ay tumawa sa gitna ng klase o sa aktibidad na kanyang ipinagagawa katulad na lamang ng debate, siguradong ikaw ay madadala sapagkat kung siya’y tumawa’y, bilog na bilog ang hugis ng kanyang bibig at tila si Santa Claus (Ha-ha-ha!) Kanyang tawa. Mabibilang sa daliri ng kamay ang bawat pantig ng kanyang halakhak sapagkat tipid na tipid iyon. Dahil rito, ika’y matatawa na rin hindi dahil sa mga nagaganap sa iyong paligid. Kung hindi dahil sa kanyang tawa.

            Kakaibang estilo sa pagtuturo ang kanyang tinataglay. Magkaibang set ng pagsusulit ang kanyang ibinibigay sa bawat hanay na ang karamihan ay essay o paghingi ng iyong opinion ukol sa inyong pinag-aralan o nileksyon ang kanyang ibinibigay na uri ng pagsusulit (tila ba naniniguradong hindi kayo makapagkokopyahan ng iyong katabi). Bagay na aking hinangaan at nagustuhan sa kanyang estilo o paraan ng pagbibigay ng pagsusulit. Nakalulungkot, nakapanghihinayang. Sayang nga lamang sapagkat hindi ko na siya naging propesor pang muli.

            Ayoko nang dagdagan pa ang panghihinayang na aking nadarama sa tuwing aking naaalala ang kanyang estilo sa pagtuturo. Na sa bawat araw na nakaiskedyul ang kanyang klase at sa oras na dumating na ang kanyang oras para magturo sa amin, pagkasabik ang aming nadarama. Pagkasabik na matutong muli sa kanyang mga leksyon. Ayoko nang isipin pa sapagkat ako lamang ay nalulungkot at natutuwa. Natutuwa sapagkat palagi niyang binabanggit ang aking pangalan sa harap ng klase upang sawayin (Timola, cellphone!) Ngunit ang totoo, ilalagay ko lamang naman ito sa aking bulsa. Ang pagtawa niya ng tila ba ginagaya si Santa Claus at ang palagi niyang pagmamadali (dahilan kaya palagi siyang hagard). Nalulungkot sapagkat, ito ay isa na lamang alaala mula sa isang propesor na kay raming itinuro sa akin at sa aking mga kamag-aral. Mga aral at kaalaman na kailanma’y ‘di mawawaglit sa aking isipan kasama ang mga masasayang alaala ni sir.

Balangkas ng Pasusuri sa Dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil


"Ang kilusan ay binuo para sa bayan."
                                                                                                                 -Elias

        Isa sa mga winika ni Elias sa dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil na lubos kong sinasang-ayunan. Sa sinabing itoni Elias, ating mahihinuha o mapapansin na tila ba sinasalamin nito ang kasalukuyang kaganapan sa ating lipunan na matatawag nating katiwalian. Ang ating mga pinuno na mas inuuna  ang kanilang pansariling interes kaysa sa kapakanan ng kanyang nasasakupan ay ipinakikita nito. Maging ang estado ng pamumuhay ng mga mahihirap at mayayaman ay ipinakita rin nito. Sa madaling sabi, pinupuna’t ipinakikita ng dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil ang tunay na nagaganap sa ating lipunan. Binigyang pansin rin nito ang mga taong umaabuso sa kanilang mga katungkulan bilang tagasunod ng pamahalaan at simbahan. Ngunit kung ating susuriin ang dulang ating napanood, papasa kaya ito sa panlasa ng mga manonood at kritiko? Ano bang kinalaman ng dulang ito sa dalawang akdang isinulat ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na pinamagatang Noli Me Tangere at El Filibusterismo? At bakit nga ba ito pinamagatang, Noli at Fili Dekada Dos Mil? Atin itong malalaman sa pagsusuring ito ng dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil.

         Ang dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil, kung ating susuriin ay tunay na naipakita nito ang kaganyakang universal gayon din ang mga kinakailangang elemento ng uri o estilo na nakapagbigay ng motibasyon sa mga manonood. Mas lalo pang nakadagdag pansin dito ang malinaw na pagkakabuo ng mga pangyayari tungo sa kasukdulan sapagkat naging makatotohanan at malinaw ang paglalarawan ng tauhan na gumising sa damdamin ng mga manonood. Lalo na nang i-ugnay ang dula sa mga naganap noon sa dalawang nobelang isinulat ni Rizal na pinamagatang, Noli Me Tangere at El Filibusterismo at sa kasalukuyang kaganapan sa ating lipunan. Ang mahusay at makatotohanang diyalogo o usapan ay nakadadala ng emosyon lalo na kung ika'y nakaupo sa harap sapagkat talagang damang-dama mo ang kanilang isinasadula gayon din ang mga aksyon at pag-arteng kanilang ipinakikita. Tila ba ika'y kasama sa pagtatanghal na kanilang ginagawa. Nakatutuwa ring panoorin ang mga katimpian ng mga tauhan sa dula. Sapagkat nagagawa nilang timbangin ang mga damdaming kanilang dapat na ipakita sa mga manonood. Mga bugso ng damdamin na nagagawa nilang pigilin at ipakita o ilabas sa tamang sitwasyon ng pangyayari sa dula. Isang magandang halimbawa nito'y ang pangyayari sa dula kung saan, labis na nagtimpi si Mayor Ibarra ngunit sa huli' tuluyan nang napatid ang pisi ng kanyang pasensya't tuluyan nang hindi napigilan ang galit na kanyang nadarama.

        Kung batay naman sa pagganap o acting ang ating pag-uusapan sa pagsusuri sa Dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil, ating makikita na kapani-paniwala ang bawat pagganap sa mga tauhan sa dula at nababagay rin sa kanila ang mga katangian ng interpretasyon at pagsasalita o projection na sa kanila'y ibinigay sapagkat ang bawat tauhan, kung magpahayag ng kanilang mga linya ay tunay na nakadadala sa mga manonood. Nakadagdag pa rito ang pagtamo sa pagpapahayag ng linya at "Cue pick-up" sa tamang tempo at ritmo. Gayon din ang kilos, senyas at galaw ay nakagaganak, malinaw, may pagkakaiba-iba at naaangkop. Sapagkat nagagawa at naisasabay nila ito nang nakabase sa mga salitang kanilang binibitiwan. Naging kasiya-siya rin ang masining na pamamaraan ng pagganap. Lalo na nang ang ilang mga tauhan ay nawala ngunit biglang bumalik muli at ipinakikita ang kanilang sarili bilang bagong mga tauhan. At ang kapangyarihan at damdamin ng tauhan ay kapwa magkakatugma at may makatotohanang reaksyon o pagtugon sa bawat diyalogo, sitwasyon o reaksyon. Naging sanhi rin ito upang kanilang mapanatili ang himig o mood ng dula. Ang pagtatamo ng kasukdulan ay kanila ring naipakita kahit pa may ilan sa mga tauhan ang natawa at nadala na rin sa pagtawa ng mga manonood sa isang bahagi ng pangyayari sa isang dula. Naipahayag rin ng mga tauhan ang kanilang nais naiparating gamit ang oral at biswal na reaksyon. Idagdag pa rito ang malinaw, mapagtimpi, nakagaganyak at matipid na pagpapahayag ng mga tauhan sa dula. Ngunit, kung ating mapapansin, may ilang mga tauhan sa dula ang nauutal sa pagpapahayag ng kanilang mga linya. Marahil, ito ay dahil sa labis na kabang sa dibdib ay namamayani. Hindi nga naman talaga biro ang pagtatanghal sa harap ng maraming tao. Gayon pa man, nakatutuwang ang bawat tauhan ay nagampanan ng maayos ang kani-kanilang mga papel na ginampanan sa dula.

             Naging maganda naman ang sequence ng pagsulat ng dula o script at daloy ng mga pangyayari sa kwento. Iyan ay kung batay sa awtor ang pag-uusapan sapagkat kung ating mapapansin, naiugnay ng awtor ang mga pangyayaring naganap sa dalawang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na isinulat ni Rizal at ang mga isyung nagaganap sa kasalukuyan. Nakatutuwa sapagkat nagawa ng awtor na hindi mailayo sa halip ay naipakita pa ang tunay na layunin at pangyayaring naganap sa nasabing mga akdangisinulat ni Rizal. Ang lahat ng aspekto ng pagkakaisa ay tunay na naging layunin ng awtor sa pagsulat ng nasabing kwento. Dahil naiugnay ng awtor ang pangyayari o isyu sa kasalukuyan at mga pangyayaring naganap sa dalawang nobela, naipakita niya sa kabuuan ng tanghalan at naging epektibo sa empasis, pagkakatugma at pagkakaiba-iba. Ipinakita lamang nito na wala pa ring pagbabago dahil magpasahanggang ngayon ay talamak pa ring nagaganap ang katiwalian sa ating lipunan. Dahil dito, ang ritmo at tempo ay nagdulot ng tamang himig na angkop sa kasukdulan at tamang eksena o yugto sa dula. Sa pamamagitan ng masining na pagbuo ng daloy ng bawat yugto o eksena ng kwento sa dula, ang pag-ugnay nito sa nakalipas at sa kasalukuyan ang naging dahilan upang maging tama ang pagkakatimbang ng damdamin at panlasa sa kagandahan o sining. Nakatutuwa sapagkat naipakita ng awtor ang tunay na ideolohiya ni Rizal sa pagsulat ng mga akdang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Bagay na talagang naipaunawa ng awtor sa mga manonood. Hindi madali ang pagsulat o pagbuo ng isang sulatin o akda na batay sa ideolohiya ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal ngunit nakatutuwang isipin na ang awtor nito ay hindi natakot na ipahayag at iparating sa mga mambabasa at manonood ang nais niyang iparating. Tunay na walang saysay ang pagsulat na may parangal kung wala naman itong naiparating sa kanyang mga mambabasa at manonood. Nakagagalak sapagkat, hindi ito naipakita ng awtor.

            Maraming props ang makikita sa tanghalan. Ang ilan dito ay ang mga ilaw na nakapagragdag ng tamang panoorin, emphasis at himig. May mga bahagi o yugto rin ng dula na tila hindi naging angkop ang tagpuan o tanawin. Gayon pa man, binawi naman ito sa costume o make-up na umaayon o bumabagay sa tauhan, panahon, himig at estilo. Ang minsanang paggamit ng musika, tunog at iba pa ay naging epektibo rin. Lalo na ang paggamit ng baril gayon din ng effects na ginamit nito ay naging epektibo rin sapagkat ang mga ingay na lumalabas rito ay nakadadala sa yugto ng eksena at nakadadala sa damdamin ng mga manonood. Ang mabilis at tahimik na pagpapalit ng eksena ay naging epektibo rin sapagkat ni isang saglit ay hindi naiwang blangko ng mga tauhan ang entablado. Tunay na naipakita rito ang mabilis na pagkilos at paghahanda ng bawat tauhan sa dula.

            Sa bahaging ito ng pagsusuri, ating mapapansin na naging bahagi na nang tanghalan ang mga manonood. Kung ating mapapansin, ang bawat manonood, saan mang sulok ng tanghalan, ay may iba’t ibang reaksyong ipinakikita sa bawat yugto o eksena sa dula na naaayon sa layunin ng dula. Ang mga dramatikong eksena dahil sa magagandang salitain o pahayag o matatawag ngang mga hugot. Ang pagbibitiw o pagpapahayag ng mga salitang ito ay labis na nakadaragdag ng pagkuha ng atensyon sa mga manood. Kung ang pagpalakpak naman ng mga manonood ang pag-uusapan o pupunahin, ating mapapansin na ang ilan ay pumapalakpak sarcastically o tila ba nang-uuyam lamang o di naman kaya’y dahil nagustuhan nila ang mga naganap sa nasabing eksena o yugto sa dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil. Gayon pa man, ang impak nito sa mga manonood ay naging maganda at tunay na nakadadala. Bilang isa sa mga manonood, ang dulang aking napanood ay aming pinag-uusapan, binabalikan o sinasariwa sa aming gunita sapagkat nakatutuwang nagawang ipahayag ang ideolohiya ni Rizal gayon din ang pag-uugnay nito sa kasalukuyan at ang paglalagay nito ng awit sa istorya.

                Ang dulang ito na pinamagatang, Noli at Fili Dekada Dos Mil ay binigyang pamagat sa ganitong paraan sapagkat kung ating mapapansin, dinala ng awtor ang istorya o kwento ng dalawang akdang isinulat ni Dr. Jose Rizal sa makabagong panahon o sa kasalukuyan na tinatawag na 21st Century. Maiuugnay ito sa dalawang akda ni Rizal sapagkat katulad ng ideolohiya ng ating pambansang bayani, isiniwalat rin nito ang kinahaharap na kanser ng ating lipunan.

            Ang pagbuo ng isang istorya at pagganap sa isang dula lalo na kung ito ay may kinalaman sa ideolohiya ni Rizal ay tunay na hindi madali. Ganoon pa man, nagawa pa rin itong magampanan ng maayos ng bawat tauhan. Ang dulang ito na pinamagatang, Noli at Fili Dekada Dos Mil ay isang halimbawa ng isang napakaganda at primyadong dula sapagkat nagawa nitong bigyan ng bagong mukha ang dalawang akdang isinulat n gating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na pinamagatang, Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Nagawa nitong i-ugnay at isiwalat ang mga katiwaliang nagaganap sa lipunan noong panahon ng mga kastila at magpasahanggang ngayon. Samakatuwid, ang dulang Noli at Fili Dekada Dos Mil ay sumasalamin sa kalagayan ng ating lipunang ginagalawan at kinabibilangan gayon din ng mga pinuno at institusyon o kilusan na sa halip na unahin ang kapakanan ng mga mamamayan o sambayanan ay mas inuuna pa ang kanilang pansariling interes. Kung matututunan lamang sana ng mga may katungkulan sa bawat institusyon o kilusan na unahin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan at pansamantalang isantabi muna ang kanilang pansariling interes, marahil ay may pag-unlad sa ating pamayanan. Ayon nga sa winika ni Elias, “Ang kilusan ay binuo para sa sambayanan.” Sa madaling sabi, hindi ito para sa pansariling interes ng mga namumuno sapagkat ito ay para sa sambayanan na dapat inuuna ng mga institusyon o kilusang kanilang kinabibilangan. Sapagkat ginawa at binuo ang institusyon o kilusan para sa ikauunlad ng lahat at hindi ng pinuno lamang.

Pamanhikan, Uso Pa Ba Ito?


           Pamanhikan, uso pa ba ito? Isa lamang ito sa mga katanungang nasasagi sa aking isipan. Ngunit bago natin sagutin ang katanungang ito, marapat lamang na atin munang tukuyin ang kahulugan ng pamanhikan. Ano nga ba ang Pamanhikan?

            Ayon sa aklat ng Sining at Kasaysayan ng Panitikan ng Pilipinas o mas kilala sa tawag na Muhon, ang Pamanhikan daw ay tawag sa palitan ng mga pangungusap ng mga miyembro ng partido ng nobyo at ng partido ng nobya sa panahong bumisita na ang binata, kasama ang mga kamag-anak sa bahay ng dalaga upang hingin ang kamay nito. May dala-dalang mga pagkain, sigarilyo at iba pang mga bagay na “alay’ sa mga magulang ng nobya. Sinasabing sa panahong namanhikan na ang binata sa kanyang kasintahan at sa pamilya nito, ay agad ng kasunod ang kasal na ipauubaya sa magnobyo ang lahat ng gastusin. Ayon naman sa iba, ang pamanhikan daw ay ang pag-aalay ng nobyo sa mga magulang ng kanyang kasintahan upang makuha ang kamay ng kanyang sinisinta. Sinasabi rin na ang pagpayag ng magulang ay base sa alay na ibibigay o mapag-uusapan ng dalawang partido. Ngunit sa ating modernong panahon ngayon, uso pa ba ang Pamanhikan?

            Sa makalumang panahon, marami munang kailangang pagdaanan ang isang binata upang makuha ang kamay ng kanyang iniibig. Isa na rito ang panliligaw ng isang binata sa dalaga at maging sa mga magulang nito kung saan, ipinag-iigib ng tubig ng  binata ang pamilya ng dalagang kanyang sinusuyo. Ipinagsisibak rin ng kahoy na panggatong at hinaharana ang dalaga kung gabi. Maging ang mga magulang ng dalagang nililigawan ay susuyuin din ng binata. At kapag pumayag na ang mga magulang ng nasabing dalaga, ay saka pa lamang niya ito magiging kasintahan o nobya. Noon, sa bahay nagpapaligaw ang mga dalaga at ang mga binata naman ay ginagawa ang lahat upang kanyang makuha ang matamis na “Oo” ng kanyang sinisinta. Patunay na ang pag-ibig ay handang hamakin ang lahat masunod lamang ang anumang naisin ng kanyang puso. Ngunit kung ating ikukumpara sa modernong panahon ngayon, ating mapapansin na tila lipas na ang tradisyon o kaugaliang ito. Sapagkat, sa ating modernong panahon sa kasalukuyan, ating mapupuna na ang mga kalalakihan maging ang mga kababaihan ay nagpapaligaw o nanliligaw na lamang sa pamamagitan ng “Text” at “Facebook”.

            Kung ating mapapansin, tila nalimutan na ng panahon ang tradisyon o kaugaliang ito. O kung hindi naman nalimutan ay iilan na lamang ang mga gumagawa nito. Ayon nga sa aklat ng Sining at Kasaysayan ng Panitikan ng Pilipinas, hindi naman tuluyang naglaho ngayon ang ganitong kaugalian sa mga nayon, ngunit ang nawala ay ang mga pananalitang sasabihin sa panahong ito. Sa madaling sabi, hindi pa naman tuluyang naglalaho o nalilimutan ang kaugaliang ito. Ngunit madalang na itong makita sapagkat hindi na lahat ay gumagawa nito. Hindi na ito makikita sa mga syudad sapagkat ang kanilang katwiran ukol dito ay, “Moderno na ang panahon ngayon, hindi na uso yang mga ganyan. Sa mga probinsya na lamang mayroon nyan.” Kung ating papansinin ang nasabing pahayag, ating mapupuna na mas pinahahalagan ng mga taga-syudad ang modernisasyon sa kasalukuyan. Kung atin naming titingnan ang mga taga-nayon at probinsya, ating mapapansin na buhay na buhay at patuloy pa rin sa kanila ang mga lumang kaugalian at tradisyong ito. Kung kaya, sa ating modernong panahon sa kasalukuyan, ang pamanhikan ay madalas na lamang matagpuan o makitang ginagawa sa mga nayon at probinsya.

            Tunay ngang ang ating kultura at panitikan ay “dynamics” sapagkat ito ay nadadagdagan ngunit nababawasan din. Huwag naman sana nating kalimutan ng basta na lamang ang ating mga tradisyon gayon din ang ating mga kaugalian. Marapat lamang na ito’y panatilihin at ipagpatuloy para sa mga susunod pang henerasyon.

            Samakatuwid, ang pamanhikan ay bahagi ng ating tradisyon at kaugalian. Kung kaya, marapat lamang na atin itong muling buhayin bilang pagpapahalaga at pag-alala sa ating kultura bilang mga Pilipino.

Ang Parasayt


      Ang parasayt ay maihahalintulad sa mga taong palaasa. Mga taong umaasa sa pinaghirapan ng iba. Maaari rin itong maihalintulad sa mga kagrupong, umaasa sa pinaghirapan ng lider. Mga kagrupong hihingan ng tulong ngunit sa halip na ika'y tulungan, kung ano-ano pa ang sasabihin sa iyo. Mga kagrupong, nakikita nang ika'y nahihirapan ngunit ni hindi man lamang nag-alok ng tulong. Tila ba mga bato na, hindi makaramdam na ika'y nangangailangan na ng kanilang tulong. At amg mga host naman ay maihahalintulad sa mga taong maaasahan o mga lider na walang sawang umiintindi sa mga taong palaasa o mga kagrupong umaasa lamang sa lider ngunit, nakararamdam din ng pagod.

         Yamang ganyan din lamang naman ang iyong mga kapangkat, mas mabuti pang ika'y magsolo na lamang at solohin ang mga bagay na ikaw mag-isa ang nagpakahirap. Hindi dapat makihati ang mga parasayt sa mga bagay na pinaghirapan ng host.

         Ang para sa iyo, ay para sa iyo lamang. Ikaw ang host na dapat mag-isang nakikinabang nito sapagkat ikaw mag-isa ang nagpakahirap nito. Samakatuwid, ang parasayt na maihahalintulad sa mga tao o kagrupong palaasa ay dapat na matutong kumilos sa sarili nilang mga paa. Bilang mga host na maihahalintulad sa mga taong maaasahan o lider, huwag nating hayaang kumapit sa atin ang mga parasayt. Marapat lamang na turuan natin silang kumilos na parang host. Huwag pahirapan ang sarili. Huwag hayaang, ikaw ang nagpapakahirap habang sila ay nagpapakasaya't sa huli, makikihati sa iyong pinaghirapan. Tandaan lamang na, kailanma'y hindi magiging kawalan ang mga parasayt pra sa host. Sa halip, makagagaan pa ito sa buhay ng mga host.

Kung Hindi Lang Sana L.R!


        Pamahalaan ang isa sa mga salik na bumubuo sa isang bansa. Sa tulong ng pangulo, napagtitibay nito ang pamunuan ng isang bansa. Sa pangulo at pamahalaan nakasalalay ang pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa. Marapat lamang na pahalagahan ng pamahalaan ang mga mamamayan nito gayon din ang mga nasasakupan nito. Ngunit, paano kung hindi nabibigyang pansin ang ilan sa mga teritoryo nito at naisasantabi ang soberanya? Paano kung huling umaksyon ang pamahalaan? Foreign Garbage mula sa Canada, kanino ba ang dapat isisi? Ano ba talaga ang tungkulin ng isang pangulo? Ilan lamang sa mga katanungan na humihingi ng kasagutan. Ngunit, tila wala pa ring malinaw na kasagutan.

            Teritoryo ang isa sa mga salik na bumubuo sa isang bansa. Kalakip nito ang soberanya o ang karapatan ng isang bansa sa kanyang teritoryo. Ngunit tila hindi nabantayan ng pamahalaan ng mabuti ang teritoryo nito. Dahilan upang maangkin ito ng bansang Tsina. Ang isyu sa West Philippine Sea, Ayungin Island, Mischief Reef at iba pang mga isla na ngayo’y isla na ng Tsina at unti-unti nang kinukuha ng bansang Tsina. Sadya ngang di naging maganda ang biro ng tadhana at ang pag-aaring nasa atin noon ay tila hinayaan nating mawala. Pag-aaring kung inalagaan lamang sana natin at hindi hinayaang maangkin ng iba, tayo sana ang nakikinabang ngayon. Ang Ayungin Island na unti-unti na ring kinukuha sa atin ng bansang Tsina. Kung tuluyang makukuha ito ng Tsina, hindi malayong lalong mag-abot dili ang ating bansa. Hindi malayong magsimula ito ng kaguluhan sa ating bansa. Kung patuloy natin itong hahayaan, tila tayo na mismo ang humuhukay ng sarili nating libingan.

            Foreign garbage. Isa pa ito sa mga isyung kinahaharap ng ating bansa. Mga basurang nagmula sa Canada ngunit dito sa ating bansa dinadala upang itapon. Anong nangyayari’t tila pumapayag ang ating pamahalaan na gawin tayong tapunan o basurahan ng ibang bansa? Ni hindi man lamang inisip ang maaari nitong maging epekto nito sa mga mamamayan na naninirahan sa mga lugar na pinagtatapunan nito. Ang epekto nito sa kalusugan ng mga may gatas pa sa labi’t mga amoy-lupa. Gayon din sa mga laman ng lansangan. Tila pamahalaan pa natin ang nagtutulak sa atin sa bangin. Bakit tila panatutunayan pa ng ating pamahalaan ang sinasabi ng ilan na ang ating bansa ay tapunan ng mga basura at pinagsawaan na ng ibang mga bansa? Tila tayo ay mga utak-lamok na pamapayag na gawing basurahan at tapunan ang sarili nating tahanan gayong hindi naman tayo ang nagkalat nito. Muli, huli na naman ang pag-aksyon ng ating pamahalaan ukol sa isyung ito. Kung ating mapapansin, ibig ng ating pamahalaan na ibalik ang tone-toneladang mga basurang ito kung kailan, nandirito na sa ating bansa. Bakit hindi nila ito hinarang at ipinagbawal nung nasa biyahe pa lamang ito’t dadalhin pa lamang sa ating bansa? Nakapagtatakang ngayon nila ito gagawin at aaksyunan gayong nasa ating bansa na. Bakit ba ganito na lamang ang pagiging kapit-tuko ng ating pamahalaan, nagiging mahina ang tingin sa atin ng ibang bansa sapagkat, tila ating panatutunayan na hindi natin kayang tumayo sa sarili nating mga paa. Pinatutunayan lamang nito sa mga mamamayan na basa na ang papel ng ating pamahalaan.

            Tuwing sumasapit ang eleksyon, tayong mga Pilipino ay mga hilong-talilong sa pagpili ng susunod na pangulo ng ating bansa. Ngunit ano nga ba ang nararapat na maging basehan sa pagtatalaga ng susunod na pangulo? Dapat ba yung nagsunog ng kilay at di-makabasag pinggan? O yung balat-kalabaw at hindi kakapitan ng alikabok? Anoman ang ating piliin, ang mahalaga ay nagagawa niya ang kanyang tungkulin bilang isang pangulo. At ito ay ang maging ama o ina ng ating bansa. Isang ama o ina na gagabay at magtatama sa atin sa lahat ng oras. Isang pangulo na magiging katuwang natin sa pag-unlad. Pag-unlad na mararanasan ng lahat. Sapagkat umaangat man ang ating ekonomiya, mga negosyante at mayayaman lamang naman ang nakararamdam nito. Ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mga mahihirap ay lalong humihirap gayong sila dapat ang pinagtutuunang pansin ng ating pamahalaan. Ang kailangan ng ating bansa ay pangulo at pamahalaan na magpapatibay at po-protekta samga mamamayan nito. Pangulong mamahalin at aalagaan ang mga bagay at pag-aari na mayroon siya at ang kanyang nasasakupan.

            Mahalagang ingatan at alagaan natin ang mga bagay na mayroon tayo habang nasa atin pa ito. Hindi natin dapat hayaan ang ibang bansa na makuha ito sa atin. Gayon din ang tapakan ang ating pride at dignidad. Hahayaan pa ba nating tuluyang mawala sa atin ito bago tayo kumilos? Papayag ba tayong maliitin ng ibang bansa? Marahil, hindi. Sino ba naman ang gugustuhing umabot sa huling-hantungan nang hindi man lamang nakalalasap ng pag-unlad? Sa tulong ng ating pamahalaan lalo na ng ating pangulo, uunlad ang ating bansa. Huwag lamang sana leyt umaksyon ang ating pamahalaan. Samakatuwid, pangulo at pamahalaan ang nagsisilbing pundasyon ng isang bansa. Anoman ang maging aksyon at desisyon na gagawin nito, mga mamamayan at pag-aari nito ang magdurusa sa huli kung kaya marapat lamang na maging maingat ang mga ito sa pagdedesisyon.

Wikang Filipino Bilang Wikang Panturo!


      Ayon sa paniniwala ni Vivencio Jose, wikang Filipino ang dapat na gamiting midyum sa pagtuturo sapagkat masmadaling matututo ang mga mag-aaral kung ang wikang kanilang nauunawaan ang gagamitin ng guro sa pagtuturo. Sinasabi rin na, wikang Filipino ang Lingua Franca ng ating bansa. Ngunit magmula nang ipatupad ang K-12 Program ng pamahalaan, tila nag-iba ang ihip ng hangin at ginawang Mother Tongue ang midyum na gagamitin sa pagtuturo. Anong nangyari't tila naisasantabi ang wikang Filipino bilang Lingua Franca at midyum sa pagtuturo?

        Wikang Filipino ang Lingua Franca ng ating bansa. Ginagamit na midyum sa pagtuturo sa paaralan upang madaling maintindihan ng mga mag-aral ang mga itinuturo sa kanila ng kanilang mga guro. Ipanakikita lamang nito na, ang pagkatuto ng mga mag-aaral ay nakabase sa midyum na ginagamit ng mga guro sa pagtuturo sapagkat ang mga mag-aaral ay madaling matututo kung ang gagamiting midyum sa pagtuturo ay ang wikang kanilang naiintindihan. Ayon pa sa sanaysay, ang wikang Filipino ay instrumento upang magkaunawaan ang mga tao sa lipunan. Ngunit isa rin daw itong instrumento na ginagamit lamang sa pakikipag-usap ng iba sa kanilang mga katulong upang sila ay magkaintindihan. Tila kay baba ng tingin sa ating wika o di naman kaya'y, epekto lamang ito ng kanyang kinalakihang lipunan dahil sa kanyang estado ng kanyang pamumuhay na kinalakihan. Ngunit kahit saang anggulo tingnan, nagiging mali angpaggamit ng wika dahil sa mga nagiging pananaw nito sa paggamit ng wika.

         Hindi lamang basta instrumento ang wikang Filipino. Ito rin ay salamin ng ating bansa. Kumakatawan ito sa bawat Pilipino hindi lamang sa ating bansa kundi sa maging sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nagta-trabaho sa ibang bansa. Kung kaya, hindi natin dapat basta na lamang isantabi at maliitin ang aying wika sapagkat kung wala ito, marahil, hindi tayo magkaunawaan. Sa halip na maliitin at isantabi ang wikang filipino, bakit hindi na lamang natin ito pagyamanin at hubugin. Pinanday ito ng ating mga ninuno at sa paglipas ng mga panahon, atin itong napakinabangan at sa ati'y nakatulong ng malaki hindi lamang sa atin pansariling kapakanan kundi sa ating lahat na mga Pilipino sapagkat ito ang naging susi upang tayo ay makilala di lamang ng mga bansa sa asya kundi maging sa buong mundo.

       Ang wikang Filipino ay sariling atin kung kaya marapat lamang na atin itong mahalin, gamitin ng tama at pagyamanin. Sapagkat kung ating ilalagay ang ating sarili sa sitwasyon ng isang bansang walang wika, marahil, tayo na ngayo'y nagkakagulo sapagkat wala ang wika na siyang sandigan ng ating pamumuhay at kaayusan. Walang instrumento na siyang magagamit upang tayo ay magkaunawaan. Samakatuwid, sa halip na isangtabi at maliitin ang wikang Filipino, atin na lamang itong pagyamanin at ipagmalaki sapagkat ang wika ay katulad ng panitikan na lakas na nagpapagalaw sa lipunan at sa mga taong nakapaloob rito. Kung kaya, ang wikang Filipino ay marapat lamang na ipagmalaki, pahalagahan at mahalin.

Ang Pangulo Bilang Ama


Ang Pangulo Bilang Ama

  “Mga Boss, binigyan niyo ako ng karapatan para pamahalaan ang tama at hindi ko kayo tatalikuran dahil para ko na ring tinalikuran ang aking ama’t ina. Hindi ko sasayangin ang kanilang mga ginawa para sa bayan.”

                                                     - Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III


        Isa lamang ito sa mga salitang binitiwan ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa nangyaring State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa Complex sa Batasan Hills, Quezon City, Metro Manila kamakailan. Dito, inilahad ng Pangulong sa madla ang lahat ng kanyang mga nagawa para sa bayan. Ngunit, ano nga ba ang mga nagawa ng ating pangulo para sa ating bayan? Ano na nga ba ang nangyari sa kanyang mga pangako?

       Noong ika-28 ng Hunyo taong 2014, muling naganap ang ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III mula noong naging pangulo siya ng ating bansa noong taong 2009. Dito, sinabi ng pangulo ang lahat ng kanyang mga nagawa para sa bayan. Kanyang ibinida ang mga nagawa ng kanyang administrasyon para sa ating mga kababayan. Isa na rito ang 7 proyekto na inilunsad na tulong ng Private Sectors sa Tarlac, Pangasinan at La Union kung saan iba’t-ibang mga road projects ang ipinagawa. Kanya ring ibinida ang pagpapabilis ng byahe ng mga Pilipino. Naging bahagi rin ng kanyang State of the Nation Address (SONA) ang mga naging epekto ng Bagyong Yolanda sa ating mga kababayan. Ayon sa kanya, pambihirang pagkakaisa ang naganap upang matulungan ang mga naging biktima ng nasabing bagyo. Kanya ring tinalakay ang mas pinagtibay na seguridad na mayroon na ngayon ang ating bansa. Ayon sa kanya, moderno na ang mga gamit na binili para sa Arm Forces of the Philippines (AFP) gaya ng mga sasakyang panghimpapawid at pandagat na makatutulong sa seguridad ng ating bansa. Ayon pa sa pangulo, ang mga bagong armas ng Arm Forces of the Philippines (AFP) ay inaasahang darating ngayong Setyembre.

      Inilahad din ng Pangulo ang suliranin ukol sa Disbursement Acceleration Program (DAP) kung saan nagdulot ito ng pangamba sa kanyang administrasyon. Ngunit tinalakay pa rin ito ng pangulo upang kanyang ma-satisfied ukol dito ang kanyang mga nasasakupan. Nilinaw din ng pangulo ang usapin ukol sa mga katanungan kung ano ang nangyari sa perang nakalaan sa Disbursement Acceleration Program (DAP) gayong wala na ito. Inilahad rin ng pangulo ang kanyang aksyong ginawa hingil sa Power Shortage.

       Atin ng nailahad ang mga suliraning tinuran at tinalakay ng ating mahal na Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA). Sa aking palagay, marapat lamang na atin namang isa-isahin ang mga pangunahing suliranin na ipinupukol na taumbayan sa ating pangulo. Unahin na natin rito ang suliranin ukol sa naganap na epekto ng nagdaang Bagyong Yolanda. Sinasabi na may dumating na tulong at nagbigay daw ng budget para sa Relief Goods upang makatulong sa mga biktima ng bagyo. Sinabi rin ng Pangulo sa nagbigay siya ng budget na inilaan sa pagpapatayo ng mga bahay na matitirhan para sa mga nasalanta ng nagdaang bagyo sa Tacloban. Ngunit, ano itong napababalitang kulang raw ang mga dumating na tulong partikular na sa Relief Goods. Gayon din ang ipinatayong bahay umano para sa mga nasalanta ng bagyo sa Tacloban na wala pa raw bubong. Sa madaling sabi, hindi pa ito maaaring tirhan. Ang pulso ng taumbayan ukol dito, nagpapakitang tao lamang daw ang ating Pangulo at wala raw siyang kwenta sapagkat wala naman daw siyang nagawa para sa ating bayan.

       Isunod naman natin ang suliranin ukol sa Pag-unlad ng ekonomiya ng ating bansa. Ayon kay Pangulong Aquino, “No doubt, the Philippines’ is now open for business.” Ito ay kanyang sinabi sa naganap na pulong ukol sa World Economic Forum noong Mayo sa East Asia at Asia-Pacific Economic Cooperation. Dahil sa tinuran ng pangulo ukol dito, nangangahulugan lamang ito na umuunlad ang ekonomiya ng ating bansa. Marahil, hindi natin ito nararamdaman sapagkat mabagal ang pag-unlad ngunit dapat pa rin nating isipin na hindi lamang basta nakaupo sa pwesto ang ating Pangulo. Sapagkat may aksyon din siyang ginagawa. Sinabi rin ng pangulo na “Malalampasan pa ng susunod sa atin ang ating mga nagawa dahil mas matayog na ang kanilang pagmumulan.” Ngunit, mangyari naman kaya ito sa mga susunod na administrasyon? Paano kung muling bumaba ang ekonomiya ng ating bansa?

        Kung atin lamang pagtutuunang pansin, nililinis ng ating pangulo ang mga krimen at katiwaliang naganap at nagaganap sa senado at sa mga nagdaang administrasyon. Ngunit bakit tila hindi natin ito napapansin? Wala na tayong ibang nakita kundi ang mga maliliit na isyung napupukol at ipinupukol sa ating Pangulo. Palagi na lamang nating sinasabi na walang ginagawang aksyon ang ating Pangulo ngunit ang totoo’y, hindi lamang natin ito napapansin. Sa katunayan nga, marami na siyang nagawa at ipinatupad para sa ating bansa. Subalit, kailanma’y hindi natin ito napansin sapagkat kaunting kamalian lamang ay nagpro-protesta na tayo. Bakit hindi natin isipin na, tao lamang rin naman ang ating Pangulo. Nagkakamali at may kakulangan din. Bakit nga ba palagi na lamang pagkakamali ang ating nakikita? Bakit hindi natin subukang tingnan at unawain ang mga tamang nagawa ng ating Pangulo?

        Mga kapwa ko mamamayan at kapwa ko Pilipino, ating isipin na hindi madali ang pagiging Pangulo ng isang bansa. Ayon nga kay Pangulong Aquino, “Hindi madali ang pagiging pangulo sapagkat para kang nanonood ng 200 channels ng sabay-sabay.” Sa ating pangulo na mismo nanggaling, maging siya ay nahihirapan din. Ngunit sa kabila nito, kanya pa ring sinabi na, “Pero buo ang loob ko na paglingkuran ang taumbayan sa lahat ng panahon.” Patunay lamang na ang nais ng ating Pangulo ay makapaglingkod sa atin. Kahit nahihirapan ang ating Pangulo, kanya pa ring ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang tayo’y mapaglingkuran. Sinabi rin niya na, “Satisfied na ako sa ating mga naging achievements.” Kung ang ating Pangulo ay satisfied na sa kanyang mga nagawa, bakit tila kulang pa rin ito para sa atin?

        Nakalulungkot lamang isipin na hindi man lamang natin nabibigyang-pansin ang mga nagawa ng ating Pangulo. Kapag may nagawang kapalpakan ang kanyang administrasyon at gabinete ay sa kanya agad palagi ang pukol ng sisi. Kung ating susuriing mabuti, ano ba ang kanyang ginawa? Hindi ba’t nagpatupad lamang siya? Bakit hindi natin sisihin ang mga taong inutusan niya upang ipatupad ang kanyang mga iniutos? Sino nga ba ang dapat sisihin? Ang nagpatupad o ang nagpapatupad?

       Ako, bilang isang mag-aaral at mamamayan ng bansang Pilipinas, ay nagsasabing, huwag nating sisihin ang ating pangulo dahil lamang sa kapalpakan ng kanyang administrasyon. Marapat lamang na ating tingnan ang kanyang mga nagawa para sa bayan. Huwag naman sa nating sabihin na walang kwenta ang ating pangulo. Sapagkat hindi naman tamang ipukol sa ating pangulo ang kamalian ng iba. Hindi madaling maging pangulo ng isang bansa kaya imbis na punahin natin ang kanyang kakulangan, bakit hindi na lamang natin siya suportahan? Atin lamang tandaan na, ang ating Pangulo ay para nating Ama. At ang isang ama ay hindi gagawa ng isang bagay na magiging dahilan upang mapahamak o ikasama ng kanyang anak.