Wednesday, March 2, 2016

Kaibigan, Bakit?





            Naranasan mo na bang magkaroon ng Bestfriend? Yun bang para ng kapatid ang turing niyo sa isa’t isa? Siya yung palagi mong kasama, karamay at nasanay ka na palagi lamang siyang nariyan para sa’yo. Ngunit paano kung bigla na lamang siyang nawala? Yun bang hindi mo alam kung bakit o kung anong nagawa mong pagkakamali para bigla ka na lamang niyang iwan. Kaibigan, bakit?

            Ano nga ba ang ibig sabihin ng salitang, “Kaibigan?” Para sa ilan, ang tunay na kaibigan ay ang taong alam kung kalian totoo at hindi ang ngiting ipinakikita mo sa lahat. Hindi ka magagawang iwanan sa ere. Ngunit para sa akin, ang tunay na kaibigan ay ang taong hinding-hindi ka magagawang iwanan kahit na anong mangyari. Yung taong handa kang tanggapin kahit pa may mali sa’yo’t hindi kanais-nais ang iyong pag-uugali. Yung taong hinding-hindi mo mapagsisinungalingan. Yung taong palagi mong kasama sa kalokohan. Karamay sa lungkot at saya. Katulong sa mga problema at handa kang tanggapin kahit may nagawa ka pang pagkakamali. Ngunit paano kung bigla ka na lamang niyang iwan? Matatawag mo pa kaya siyang kaibigan?

            “Walang iwanan!” Ito ang pangako namin sa isa’t isa ng Bestfriend ko. Ayos naman ang lahat. Kahit nagkaka-Girlfriend siya, ayos lang! Kasi, nariyan pa rin siya palagi para sa akin. Kahit kalian, hindi siya nawala. Naalala ko pa nga, madalas ko siyang ka-text kapag gabi. Pagkauwi namin galing sa paaralan, nagkakamustahan kami kung ano ba ang nangyari sa isa’t isa sa araw na iyon. Mag-oopen ng problema ukol sa pamilya o di naman kaya’y sa buhay pag-ibig. Magpapatulong kung may proyekto o takdang-aralin ang isa na hindi niya kayang gawin ng mag-isa. Magkasamang gumala at magsimba tuwing lingo. Kakulitan at kaasaran sa tuwing magkikita. Hampas at batok pa nga inaabot ko sa kanya sa tuwing kami’y magkasama. At suntok at hampas naman ang inaabot niya sa akin sa tuwing inaasar niya ko at ako’y napipikon sa kanya kapag kami ay magkasama. Ngunit kahit ganito kami sa isa’t isa, kahit kalian ay hindi kami nawala para sa isa’t isa. Nandito kami, handing dumamay at tumulong sa isa’t isa kung malungkot ito at may problemang dinadala. Isa pa sa mga nakatutuwang alaala namin ay, iyong pagtatalo at pag-aaway dahil lamang sa maliit na bagay katulad na lamang no’ng isang beses. Inaway at nagalit siya sa akin dahil ayaw kong kumain. Sinabi niya pang, “Hindi ako kakain hangga’t hindi ka kumakain!” Sa inis ko sa kanya, wala na kong nagawa kundi ang sumunod na lamang at kumain. Ayokong nagagalit siya sa akin. Nasanay akong palagi siyang nariyan para sa akin.

            Lumipas pa ang mga araw, linggo, buwan at taon. Lalo pa kaming naging malapit sa isa’t isa. Hanggang sa dumating yung oras na kinailangan kong mag-stay sa Cubao upang doon panandaliang tumira. Sapagkat ang tiyahin ko na ang magpapaaral sa akin. Ito ay lingid sa kaalaman ng aking Bestfriend. Mas pinili kong huwag na lamang ipaalam sa kanya sapagkat alam kong magagalit lamang siya. Ngunit sadya ngang mapaglaro ang tadhana. Anomang pilit kong tago ay nalaman pa rin niya.  Salamat sa kadaldalan ng nakababata kong kapatid. Nagalit siya sa akin at sinabing, “Kung hindi ka babalik, ibang tao na ang makikilala mo!” Ayaw na ayaw kong nagagalit siya sa akin. Isa pa, natakot rin ako sa sinabi niya kung kaya, agad akong bumalik sa Marikina at agad na humingi ng paumanhin at saka nagpaalam nang maayos sa kanya. Dahil sa maayos na pakiusap ay nagkaayos kami’t pumayag na rin siya.

            Ang pagtira kong ito sa ibang lugar ay hindi naging dahilan upang kami ay mawalan ng ugnayan. Sa halip, mas lalo pa kaming naging malapit sa isa’t isa. Ngunit isang araw, tila naligaw yata kami sa aming usapan. Bigla ko na lamang naalala ang sinabi sa akin ng nakababata kong kapatid na ang aking Bestfriend raw ay may gusto sa akin. Kung kaya, sinabi ko sa kanyang, “Espren, may sasabihin ako sa’yo. Alam mo kasi, mahal kita. Higit pa sa kaibigan, kapatid at bestfriend na turingan natin sa isa’t isa.” Ngunit ang sabi lamang niya ay, “Espren, alam mo naming kapatid lang ang turing ko sa’yo di ba?” Ang sabi ko na lang, “Eto naman. Joke lang naman eh. Sorry kung pinag-praktisan kita ha? Hindi ko kasi masabi sa kanya eh.” Kung alam lamang sana niya na hindi ito joke o biro. Sapagkat sa kanya ko talaga ito gustong sabihin. Ngunit nagalit siya sa aking ginawa. Gusto ko mang aminin na hindi ito joke, wala akong magawa sapagkat hindi maaari. Sapagkat ako’y labis na nasaktan sa kanyang tugon at wala rin naming magbabago kahit pa sabihin ko sa kanya ang totoo. Humingi ako ng tawad at di nagtagal ay nagkaayos rin kami. Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang siyang humingi ng pabor sa akin na kung maaari raw ay ihanap ko siya ng magiging girlfriend niya. Gusto ko mang tumanggi dahil masakit ito para sa akin, wala pa rin akong nagawa kundi ang sumagot ng “Oo.” Inihanap ko siya ng magiging girlfriend niya. Di naman nagtagal at nakahanap ako. Agad silang nagkagustuhan. Hanggang sa naging sila na nga. Sa hindi ko malamang dahilan ay hindi na siya nagpaparamdam. Kung kaya naman, wala na akong nagawa kundi ang maghintay na lamang. Hanggang sa dumating ang oras na nagkomprontahan kami. Itinanong niya sa akin kung bakit hindi raw ako nagpaparamdam. Ang sabi ko na lang, “Mahirap magparamdam sa isang tao lalo na kung alam mong hindi naman ikaw ang kailangan!” Dagdag ko pa, “Sino kayang hindi nagpaparamdam sa ‘tin? Ikaw nga dyan eh! Nagka-girlfriend lang, kinalimutan na ko!” Ngunit sabi niya, “Hindi ako nagte-text kasi hinihintay kitang mag-text.” Nakatutuwa sapagkat naghihintayan lamang pala kami. Naayos namin ang di pagkakaunawaang ito. Ngunit nalaman kong niloloko lamang pala siya ng kanyang kasintahan. Kung kaya gumawa ako ng paraan upang makipaghiwalay ang babaeng ito sa kanya. Masama mang matatawag ay ginawa ko pa rin. Dumating sa puntong pinahirapan ko ang bababeng ito. Lahat na ng kalokohang alam ko ay ginawa ko na sa kanya. Pati nga pang-aagaw ng totoo niyang boyfriend ay ginawa ko na hiwalayan lamang niya ang bestfriend ko. Hindi lamang isa. Ngunit apat na beses ko itong ginawa para sa bestfriend ko. Masama man sa tingin ng iba ay ginawa ko pa rin ito sa tatlo pang mga babaeng sumunod na naging girlfriend niya ngunit niloloko lamang siya. Ang lahat ng ito ay lingid sa kanyang kaalaman.

            Sa paglipas ng araw, linggo at buwan ay naging maayos ang lahat. Hanggang sa isang araw ay nagkayayaan kami ng kamag-aral kong lalaki at nadayo nga kami sa lugar na Bestfriend ko. Sa kasamaang palad ay nakita niya kami at nagalit siya. Kinagabihan ay inaway niya ko kung kaya naman agad akong humingi ng tawad at sinabing gagala na lamang kami kinabukasan. Ngunit hindi siya pwede kung kaya, nag-aya na lamang ako ng iba. Muli na naman siyang nagalit. Hanggang sa umabot sa puntong, kinausap ako ng kabarkada niyang lalaki. Sinabihan niya ko ng tanga at manhid. Na, nakikipag-break daw ang bestfriend ko sa girlfriend niya dahil sa akin. Naguluhan ako sa kanyang mga sinabi  kung kaya naman tinanong ko ang bestfriend ko. Nakiusap kung maaari ko bang makausap muli ang kanyang kabarkada ngunit nagalit na naman siya. Ang sabi niya’y, “Ayaw mo na kong katext kaya yung kabarkada ko naman yung gusto mong ka-text?” Ang sabi ko naman, “Hindi. May itatanong lang ako sa kanya.” Ang sagot naman niya’y, “Bat hindi mo nalang sa ‘kin itanong?” Sa inis ko’y ang sabi ko sa kanya’y, “Bakit kapag sa’yo ko ba tinanong, magsasabi ka ba ng totoo? Yung walang halong trip at biro. Yung puro katotohanan lang isasagot sa ‘kin?” Ang sagot naman niya’y, “Kilala mo ko. Kapag seryoso, seryoso.” Dahil dito’y tinanong ko siya. Ang sabi ko’y, “Totoo ba yung sinasabi ng kabarkada mo na nakikipag-break ka sa girlfriend mo dahil sa ‘kin?” At sagot niya’y, “ Totoo yun, Kasi mas mahalaga ka kesa sa kanila kasi, mahal kita.” Ang sabi ko naman, “Syempre mahal mo ko. Bestfriend mo kaya ako.” Pamimilosopo ko sa kanya. Pero ang sabi niya, “Mahal kita. Higit pa sa iniisip mo.” Di nagtagal at inamin ko na rin ang nararamdaman ko para sa kanya.

            Matapos ang gabing iyon ay naging maayos ang lahat. Hanggang sa pinaglaruan na naman kami ng tadhana. Nakipaglaro kami dare. Sa kasamaang palad ay siya ang huling taong nagreply at ang consequence nito ay magiging kami sa loob ng 100 days. Naging kami nga. Palagi ko siyang kasama at kausap sa lahat ng oras. Naging masaya kami. Ngunit sa ‘di inaasahang pangyayari ay bigla na lamang nagbago ang lahat. Ika-27 ng Oktubre taong 2013. Ang huling araw na nakasama ko siyang gumala at gawin ang dati naming ginagawa. Kung alam ko lamang sana na iyon na ang huling araw na makakasama ko siya, edi sana nagpakasaya na akong kasama siya. Matapos ang araw na iyo ay hindi na siya muling nagparamadam sa akin. Hindi na ko muling nakatanggap ng text o tawag mula sa kanya. Hanggang sa nagpalit na nga ako ng number at agad naming plinug ng aking kaibigan ang bago kong number ngunit code name lamang ang pakilala sa akin. Nagulat na lamang ako ng may pamilyar na number ang nagtext sa akin. Tunay ngang mapaglaro ang tadhana sapagkat ang Bestfriend ko pa ang nagtext. Matapos kaming magkaalaman ng totoong pangalan ng isa’t isa ay bigla na lamang siyang hindi na muling nagparamdam.

            Dumating ang ika-19 ng Nobyembre taong 2013. Araw kung kailan ako isinilang. Nakalimutan ng Bestfriend ko ang Birthday ko. Hindi pa rin siya nagpaparamdam. Ang mga oras ay naging araw. Dumaan ang mga araw at ito’y naging linggo at di nagtagal, ito’y naging buwan. Ngunit hindi pa rin siya nagpaparamdam. Sa totoo lang, miss na miss ko na ang dati kong  Bestfriend. Yung kakulitan ko, Yung palagi kong napupuntahan sa tuwing nasasaktan ako. Yung palaging nadiyan para sa ‘kin. Yung palaging nagpapatawa o nagpapangiti sa ‘kin kapag malungkot ako o kaya galit ako. Yung karamay ko sa lungkot at saya. Yung Bestfriend ko na hindi ko mapagsisinungalingan. Bigla na lamang siyang nag-iwan. Hindi ko alam kung bakit o kung anong ginawa ko. Basta, ang alam ko. Nagising na lang ako isang araw na wala na siya. Iniwan na ko ng Bestfriend ko. Gustuhin ko mang bumalik kami sa dati, hindi na pwede. Kasi, hindi ko na mababalik yung dati.

            Sa paggunita ko sa nakaraan, napapaisip pa rin ako kung ano ba talagang nangyari. May masama ba kong nagawa sa kanya? Nasabing hindi niya nagustuhan? Ano bang kasalanan ko sa kanya? Wala naman akong naaalala na nasaktan ko siya. Wala nga ba? Bakit niya ba ko sinasaktan ng ganito? Napakasakit isipin na ang taong kasama kong nangakong “Walang iwanan!” ay bigla na lamang nawala. Hindi ko alam kung ano ang kanyang dahilan. Sinubukan ko siyang tanungin ngunit ang sabi lamang niya ay, “HINDI KO ALAM!” Wala akong nakuhang sagot kung bakit bigla siyang nawala.

Sabi nga nila, “Past remains in the past in the past. But pain haunts you in the present.” Bakit ba may mga bagay na kahit pilit mong kalimutan ay naaalala mo pa rin? At sa pagbalik ng alaalang ito, ay patuloy ka pa ring nasasaktan. Nasasaktan pa rin ako sa tuwing naaalala ko ang mga nangyari. Bestfriend ko pa ang bigla na lamang nang-iwan sa akin. Ang masakit ay hindi ko alam ang dahilan ng pagkawala niyang ito.

Sa tuwing ginugunita ko ang nakalipas ay nasasaktan ako nito ng sobra. Tila ba ginuguhitan at sinusugatan nito ang aking puso. Noon, napakasaya namin kahit pa nasasaktan ako ng sobra sa tuwing nase-set aside niya ko sa tuwing magkaka-girlfriend siya. Pero ngayon, mas masakit kasi hindi ko pa rin maintindihan kung paano kami napunta sa ganitong set-up. Sa napakasakit na sitwasyong ito. Bakit ba kami nagkaganito? Pakiramdam ko’y, ako ang may kasalanan. Kung hindi siguro ako sumali sa dare at pumayag na maging kami, hindi siguro magiging ganito ang sitwasyon namin. Mukha akong tanga. Pinipilit kong ibalik ang dating kami habang siya, layo nang layo sa akin. Disappointment. Yan ang nararamdaman ko sa tuwing naaalala ko yung mga nangyari noon. Nadidisappoint ako dahil nakikita yung sitwasyon namin noon at ngayon. Ang layo-layo na namin sa dati. Noon, para kaming isang matayog at matibay na puno. Pero ngayon, daig pa namin ang binagyong puno na natumba at ginawa na lamang panggatong. Sana, kaya kong basahin ang mga iniisip niya. Gusto kong malaman kung anong iniisip niya at kung bakit siya bigalang nag-iwan. Puro na lang kasi, “BAKIT?” ang nasa utak ko.

Sa tuwing napapadaan ako sa mga lugar na palagi naming pinupuntahan at tinatambayan eh, nasasaktan ako ng sobra kahit pa mag-iisang taon na ngayon ang nakalilipas mula nang mangyari iyon. Hindi ko na maalala kung gaano kami kasaya dati. Hindi ko na maimagine kung paano kami tumawa dati. Ngayon? Wala na. Ang alam ko na lang ay wala na yung dati kong Bestfriend at kahit kailan, ay hindi na siya babalik pa. ‘Pag iniisip ko ang sitwasyon namin ay lalo lamang akong nasasaktan. Hindi ko alam. Wala na kong maintindihan. Basta, ang sakit-sakit na ng mga nangyayari.

Matapos ang mga pangyayaring ito na sumubok at nagpabago sa akin, isang bagay lamang ang natutunan ko. “Cherished every single moment that you’re with the person you loved.” Dapat i-enjoy natin yung mga oras na kasama natin sila. Hindi natin alam, baka ‘yon nap ala yung huling oras na makakasama natin sila. Dapat rin, pahalagahan natin sila para hindi tayo magsisi sa huli. Wag natin silang i-take for granted at i-set aside. Wag natin silang saktan kasi mas masakit kapag sila na yung nawala sa ‘tin. Samakatuwid, itinuro sa akin ng karanasang ito kung paano bumangong muli anoman ang hirap na ating pinagdaanan. Marapat lamang na matuto tayong maging matapang at matatag upang balikan ang gunita ng nakalipas at harapin ang hamon ng darating na bukas. Nawa’y ang akdang ito ay maging inspirasyon at hamon sa mambabasa na matutong pahalagahan ang mga taong mayroon sila ngayon.

No comments:

Post a Comment