Friday, January 1, 2016

Balagtisismo o Modernismo? (Sariling Likha)



 
Sa pag-usbong nitong Panulaang Filipino,
Modernismo’t Balagtisismo’y nasangkot rito
Dalawang kategoryang nagbabanggaan,
Pilit ibig magtagal sa dulo ng hangganan

Pagtatagisa’y ‘di maiwasan
Kapwa nais wakasan
Yaring paglalaban,
‘Pagkat kapwa may kaugnayan 
 
Itong Balagtisismo’y pagtulang palabas
Taglay na salawikain ang lakas
Katunggali ng Modernismo kung ituring,
Manatili sa dulo ang tanging hiling

Ito namang Modernismo’y pagtulang paloob
Mga bugtong ang dito’y lumulukob
Katunggali kung titingnan
Wala namang dapat paglabanan

Yaring Balagtisismo’y
Tila sa Modernismo
Nakikipagtagisan kung aling panig
Ang dapat na magwagi’t madinig

Marami ang naguguluhan,
Pagbabago sa dating kinagisnan
Umiiral noo’y Balagtisismo
Ngunit ngayo’y Modernismo

Balagtisismo o Modernismo?
Ano ang dapat na piliin mo?
Ang pagpili ba’y talagang nararapat?
O pagsasama ng dalawang kategorya na’y sapat?

Pagbabago’y walang wakas
Kung kaya dito’y dapat maging bukas
Upang pangarap na pag-unlad,
Sa hinaharap ay matupad

Itong Panulaang Filipino, sa kley maihahalintulad
Sa tao’y nakasalalay yaring pag-unlad
Malikhaing isipan ang s’yang humuhubog
Ngunit ‘pag sa gunita’y nalimot, t’yak ang paglubog

Tila ba isang alaalang dapat matandaan
Upang makatagal sa dulo ng hangganan
At kung hindi’y masalimuot na paglimot
Ang sa hantungan nito’y babalot

Panulaang Filipino’y pahalagaha’t alagaan
‘Pagkat atin itong ari-arian
Sa damdamin ay sumasalamin
At sa ganda nitong kulturang angkin

1 comment:

  1. JackpotCity | casino - JTM Hub
    JackpotCity 경상북도 출장마사지 is a 부천 출장마사지 virtual reality (VR) casino. You can use your headset to gamble at real money casino 태백 출장안마 games or virtual sports. This app 천안 출장마사지 is 군산 출장마사지 designed

    ReplyDelete